IDINEKLARA nitong nakaraang linggo ng Department of Health ang polio outbreak matapos madiskubre ang kaso ng isang tatlong taong gulang batang biktima sa Lanao del Sur at dalawa pang posibleng kaso sa Maynila at Davao. Taong 2000, idineklarang naglaho na sa bansa ang sakit na polio, 19 na taon na ang nakararaan, matapos maitala ang huling kaso noong 1993.
Isang lubhang nakahahawang sakit ang polio na nagmumula sa virus na umaatake sa nervous system, nagdudulot ng lagnat, fatigue, sakit ng ulo, pagsusuka, stiff neck at malumbay na mga braso at hita. Maaari itong humantong sa pagkaparalisa at kamatayan. Habang ang mga bata na nasa edad lima pababa ang pinakamalapit na dapuan ng sakit na ito.
Ibinahagi ni Secretary of Health Francisco Duque III ang isang kumpirmadong kaso sa Lanao—kasama ng dalawa pa samples mula sa imburnal na nagpositibo sa polio virus – na “considered an epidemic in a polio-free country.” Sa mga nakalipas na taon mayroong tala ng “near-total” na polio vaccination para sa mga bata na nasa edad lima pababa sa bansa, ngunit bumaba ito sa 95 porsiyento noong 2018 habang ngayon ay nasa 66 hanggang 68 porsiyento na lamang, aniya, ito.
Una rito, noong Pebrero 2019, nagdeklara ang DoH ng outbreak para sa iba pang sakit, ang tigdas o measles, sa limang rehiyon sa bansa—sa Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon, Western Visayas, at Central Visayas. Sa inisyal na ulat naitala ang nasa 18,407 na kaso noong 2018, na tumaas mula sa dating 2,428 na kaso noong 2017.
Agad na inilunsad ng pamahalaan ang malawakang programang pagbabakuna noong Abril, na ibinahagi naman ni Secretary Duque ang pagbaba ng bilang ng kaso ng bagong measles. Ngunit hindi pa natapos ang outbreaks. Ipagpapatuloy ng ahensiya ang programang pagbabakuna hanggang sa maabot ng bansa ang 95% sakop.
Sa isang pag-aaral kamakailan ng London School of Hygiene and Tropical Medicine, natuklasan na ang mga naniniwala na “vaccine are important, are safe, and are effective had dropped from close to 100 percent in 2015 to 60-80 percent in 2018” sa Pilipinas. Ang pagbulusok sa kumpiyansa ng publiko sa bakuna ay pinaniniwalaang dulot ng kontrobersiya sa Dengvaxia.
Sa gitna ng mga ulat ng maraming kaso ng pagkamatay na iniuugnay sa pagbibigay ng bagong bakuna sa tatlong rehiyon sa bansa, maraming Pilipinong magulang ang naghinala sa bakuna at nagdesisyong iwasan ang mga kailangang bakuna para sa kanilang mga anak.
Dahil sa milyong batang hindi nabakunahan ng mga kailangang bakunang proteksiyon, natutunghayan na natin ngayon ang mga outbreaks at epidemya tulad ng naganap kamakailan sa polio at measles. Dapat na tayong maging alerto ngayon laban sa posible pang ibang outbreak sa ibang mga sakit sa programa.
Dapat ngayong mapagtanto ng mga magulang na marahil ay nangamba dulot sa kontrobersiya ng Dengvaxia, na hindi na nila maaaring tanggihan ang mga pangunahing bakunang kailangan at iba pang pangkalusugang programa na binuo katuwang ang World Health Organization. Ang nangyari kamakailan na outbreak sa polio at measles ay dapat nang magpaalala sa atin na matindi pa rin ang ating pangangailangan para sa mga bakuna laban sa maraming karamdaman na maaaring makaapekto sa malaking bahagi ng ating populasyon.