SA patuloy na pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights ni Chairman Richard Gordon hinggil sa anomalyang naganap sa pagpapairal ng Good Conduct Time Allowance Law, isa sa mga naging resource person nitong nakaraang Huwebes ay si Mayor Benjamin Magalong ng Baguio.
Siya kasi ang dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Group sa panahon na si Sen. Leila Delima ay ang Secretary of Justice na siyang namamahala ng Bureau of Corrections (BuCor). Eh ang imbestigasyon na sinimulan sa muntik nang pagpapalaya kay dating Mayor Antonio Sanchez ng Calauan, Laguna na ang kanyang pitong habangbuhay na pagkabilanggo ay pinaiigsi sa ilalim ng GCTA law, ay humantong na sa lahat ng uri ng anomalya na nangyari sa BuCor, kabilang na rito ang bentahan ng droga. Nakakabahala ang testimonya ni Mayor Magalong. Wika niya: “Sa aming intelligence operation at operational research, napag-alaman namin na mga pulis ang sangkot sa sistemang “agaw bato” at sila ang nakikipagtransaksyon sa mga preso sa loob ng Bilibid. Lumalabas na ang lahat ng daan ay patungo rito. Napag-alaman namin na sa kabila na nakaiipit na ang mga Chinese drug lords, nagagawa pa rin nilang pamahalaan ang bentahan ng mga droga sa buong bansa.”
Sa kanyang deklarasyon, sinabi ni Magalong na nalaman niya ang pamamaraang “agaw bato” nang siya ay mahirang na at mamuno ng CIDG. Ayon sa kanya, ibinebenta ng mga tiwaling pulis ang kanilang nasabat na droga sa kanilang operasyon. Pinalalaya nila ang mga naaresto nilang miyembro ng sindikato sa droga sa halagang 50 milyong piso at manghuhuli sila ng iba bilang fall guy at kapalit ng mga ito. “Kaya kumikita sila sa droga at sa mga Intsik.. Pinalalabas nila na orihinal ang kanilang ipinalit,” wika pa niya. Maging si Philippine Drug Enforcement Agency Chief Aaron Aquino ay inamin sa kanyang testimonya sa komite ni Sen. Gordon ang recycling ng mga nahuhuling droga.
Sa nangyayaring imbestigasyon ng senado, lumalabas na nasa BuCor ang mina. Lumalabas din na ang lahat ng uri ng anomalya na puwedeng maimbento ng mga taong sakim at makasarili ay nagaganap dito. Ang napakasakit, para sa akin, ay ang anomalya hinggil sa droga. Hindi maubos-ubos ang drogang kumakalat sa bansa sapagkat ang may tungkuling sugpuin ito ay sila pa ang pinakainstrumento sa recycling nito. Sa halip na maputol ang paglaganap na droga at marating ang mga dukhang mamamayan, sila pa ang lubusan nakatutulong na mangyari ito. Eh ang grupo nila ang marami nang napatay na pawang mga dukha at pipitsuging nagbebenta ng droga, sa pagtupad nila sa kautusan ni Pangulong Duterte na pairalin ang kanyang war on drugs. Pinupuksa natin ang epidemya ng dengue at polio sa pamamagitan ng paglilinis ng ating sarili at kapaligiran na siyang pinagmumulan ng sakit at siyang dapat sana nating gawin sa pagsugpo ng droga. Ugatin natin ang problema. Pero, istilong pagpuksa sa African swine fever ang ginagawa ng administrasyon sa ilegal na droga. Tulad ng mga nahawang baboy, pinapatay ang mga gumagamit at pipitsuging nagbebenta ng droga.
-Ric Valmonte