PAWANG umusad sa quarterfinals ang Ateneo de Manila, Cignal at Sta. Elena sa 2019 Spikers’ Turf Open Conference nitong Linggo sa Paco Arena sa Manila.

Pinangunahan ni Chumason Njigha ang Blue Eagles kontra Easytrip Road Spikers sa dikdikang, 19-25, 25-21, 25-18, 21-25, 15-8.

Humataw si Njigha ng walo sa kanyang kabuuang 25 puntos sa fifth frame upang pamunuan ang Blue Eagles sa pagtapos bilang top seed sa Group B taglay ang 4-0 marka.

“Ever since naman, nilalagay ko na sa mind set ni Chumason [Njigha] yun na ‘you will be the one carrying this team’ when it matters most. Kung kailan kailangan ng puntos, alam niya na siya yung magse-step up,” pahayag ni Ateneo coach Timothy Sto. Tomas.

Misis, rumesbak agad kay Eumir Marcial: 'Kapal ng mukha mo!'

Kasunod ni Njiga tumapos si Ron Medalla na may 17 puntos at si Sebastian Cuerva na may 11 puntos, 10 excellent receptions at 9 na digs para sa Ateneo.

Nanguna naman para sa Easytrip na bumaba sa patas na markang 2-2 si Mardy Galang na may 16 puntos.

Pinataob naman ng HD Spikers ang Volleyball Never Stops Volleyball Club Griffins, 25-20, 25-19, 25-16.

Umiskor si Ysay Marasigan ng 16 puntos, kasunod si Rex Intal na may 10 puntos upang pamunuan ang HD Spikers sa ika-4 na sunod nilang panalo.

Wala namang tumapos na may double figure para sa Griffins na nalasap ang unang kabiguan sa apat na laban.

Nauna rito, ginapi ng Ball Hammers ang University of Sto. Tomas Tiger Spikers, 25-12, 23-25, 25-21, 31-29, upang makopo ang playoff tiket sa Group D.

Kapwa nagtala sina Nico Almendras at Camposano ng tig- 20 puntos upang iangat ang Sta. Elena sa ikatlong sunod nitong panalo.

-Marivic Awitan