WALA namang shoot-to-kill order laban sa mga heinous crime convicts (HCC) na nakalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA). Nilinaw ito ni PNP spokesman Brig. Gen. Bernardo Banac kaugnay ng utos ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na hulihin ang hindi susukong kriminal. Babarilin lang umano sila kung manlalaban. Nilinaw rin ng Malacañang na isang biro lang ng Pangulo nang sabihin niyang siya ang nagpa-ambush kay ex-PNP Brig. Gen. Vicente Loot na kasama sa listahan ng illegal drug protectors. Paano ito, Spox Panelo, puro biro pala ang ating Pangulo.
Sa Kamara, may tinatawag na Makabayan bloc, grupo ng oposisyong mga kongresista. Kabilang dito si Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate. Kanais-nais ang ipinaglalaban nilang mga isyu at adbokasiya, pero may mga hindi naman naniniwala sa kanila dahil sila raw ay pronta ng CPP-NPA-NDF.
Totoo kaya ang hinala na si Zarate ay may anak na nag-aaral sa Europa, gayong matindi ang kanyang pagyakap at paniniwala sa ideolohiyang komunismo? Ang Europa ay isang demokratiko at progresibong rehiyon kaya’t nakapagtataka na ang isang komunistang gaya ni Zarate ay ipapadala ang anak sa isang lugar na napakalaki ng pagkakaiba sa niyayakap na paniniwala. Bakit kaya ipinadala ni Zarate ang kanyang anak sa Europa para lamang mag-aral gayong napakarami namang pampublikong unibersidad dito sa bansa na may mataas na kalidad ng edukasyon? Tanong ito ng mga observer.
Sa ‘Pinas, ang Bayan Muna ay kilala bilang grupong pang-konsyumer na nagtutulak ng karapatan ng consumers laban sa mga kapitalista. Sa kanilang prinsipyo, konsyumer ang dapat na prayoridad sa anumang usapin.
Ito naman ang nangyari sa isinagawang bidding ng Meralco para sa supply nito na may kapasidad na 1,200 MW at 500 MW. Ang bidding na ito ay alinsunod sa 2018 Department of Energy (DOE) Circular ukol sa Competitive Selection Process (CSP). Ang CSP ay naglalayong makapagbigay ng pagkakataon sa mga generation company na lumahok sa bidding upang paigtingin ang kompetisyon para masigurong makukuha ng consumers ang pinakamababang presyo ng kuryente. Itinaguyod ito ng Korte Suprema at ipinag-utos na ang lahat ng power supply agreement (PSA) na isinumite pagkaraan ng ika-30 ng Hunyo, 2015 ay kailangang sumailalim sa CSP, kabilang ang mga PSA ng Meralco.
Sa kainitan ng kontrobersiya ukol sa PSA ng Meralco, paulit-ulit na ipinagdiinan ng Bayan Muna na kailangang sumailalim ng Meralco sa CSP upang masigurong hindi lalong tataas ang presyo ng kuryente. Suportado at itinutulak ng Bayan Muna ang implementasyon ng CSP dahil sila ay naniniwalang ito ang makabubuti para sa mga consumer. Ngunit ngayong isinasagawa na ito ng Meralco alinsunod sa utos ng Supreme Court, nais naman nilang ipahinto. Naghain sila ng petisyon sa SC na humihingi ng TRO upang ihinto ang implementasyon ng nasabing proseso. Aba’y tila sala-sa-init-sala-sa-lamig ang Bayan Muna. Ano ba talaga ang gusto nilang mangyari? Saan lulugar ang industriya kung ganyang lahat ng aksiyon ay hinahanapan nila ng kamalian at nilalagyan ng malisya.
Bilang resulta ng CSP, ang presyo ng generation charge na nanaig ay mas mababa sa kasalukuyang presyo ng generation charge. Makaaasang makatitipid ang consumers sa susunod na 10 taon sa pagsisimula ng bagong mga kontrata sa ika-26 ng Disyembre ng taong ito. Tinatayang aabot sa kabuuang P13.86 bilyon kada taon ang matitipid ng mga konsyumer sa susunod na 10 taon bilang resulta ng naganap na Meralco bidding para sa kabuuang supply nitong may kapasidad na 1,700 MW.
Sa katunayan, mismong ang Presidente at CEO ng San Miguel Corporation na si Ramon Ang ay tila umaaray sa mga kondisyong nakapaloob sa bidding. Sa kanyang paglalarawan, pigang-piga raw ang presyo sa sobrang baba. Ngunit naiintindihan niya ang nais mangyari ng bagong Presidente at CEO ng Meralco na si Atty. Ray C. Espinosa. Sa kanyang pagsasalita sa naganap na pirmahan ng kontrata, sinabi niya, “ang pinakamaganda rito ay makisama tayo dahil sa pagbabagong gustong gawin ni Ray Espinosa na mapababa yung presyo.” Tunay nga namang sa resulta ng CSP, kapakanan ng consumers ang naging prayoridad.
Sinang-ayunan ni Phinma President & CEO Eric Francia ang mga sinabi ni Ang. Binanggit niyang napakatindi ng kompetisyon sa bidding. Sabi niya, “mas exciting pa itong CSP, dapat irename natin ito as VCSP, very competitive selection process.” Binigyang-diin din ni Francia na ang consumers ang tunay na panalo sa CSP dahil nga pumabor nang husto sa mga ito ang resulta.
Siyanga pala, sinertipikahan bilang “urgent” ni PRRD ang P4.1 trilyong pambansang budget para sa 2020. Sana ay hindi ito masingitan ng
nakaririmarim na “pork barrel” ng mga kongresista at senador. Tingnan nila ang abang kalagayan ng mga magsasaka na ginigiyagis ng Rice Tariffication Law at ng mga magbababoy na pinipinsala ng ASF (African Swine Fever).
-Bert de Guzman