NAGPAHAYAG ng pagkainis si Pangulong Duterte hinggil sa imposibleng kalagayan ng Ilog Pasig, nang ianunsiyo niya nitong Martes ang pagbuwag sa Pasig River Rehabilitation Commission at pagsasalin ng lahat ng tungkulin nito at responsibilidad sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Hindi na magagawa pang malinis ang ilog dahil wala namang zoning, ayon sa Pangulo. Sa mga nakalipas na taon, itinatapon sa ilog ang mga dumi na nagmumula sa maraming pabrika at kabahayan, na dumadaloy patungo sa Manila Bay kung saan nasasama ito sa dumi ng 17 iba pang mga ilog na nakadugtong sa look.
Ito’y sa kabila ng makasaysayan at magandang bahagi ng Ilog Pasig sa Maynila at ang marami pang bayan na dinadaanan nito. Sa katunayan, labis itong pinahahalagan bilang parte ng ating kasaysayan, dahilan upang ilagay ang Malacañang sa tabi nito, ang tahanan ng pangulo ng Pilipinas.
Maraming dekada na ang nakararaan nang simulang masira ang ilog. Sinasabing taong 1930 nang maglaho na ang mga isda sa ilog, habang 1970, nagsimula na umano itong mangamoy. Taong 1970, nahinto ang paglalangoy at paglalakbay gamit ang bangka. Hanggang sa ideklara itong ‘biologically dead’ noong 1990.
Pangunahing dahilan dito ay matapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, dumagsa ang maraming tao mula sa mga probinsiya at nanirahan sa paligid ng ilog. Ang mga ito, kasama ng mga pabrika, babuyan, at palengke, na itinayo sa palibot ng ilog at mga kadugtong nitong mga bahagi ng tubig, ay itinatapon lamang ang kanilang mga dumi at basura sa ilog. Ang gawaing ito ay nagpapatuloy hanggang ngayon; kamakailan lamang, maraming patay na baboy, na hinihinalang biktima ng Asian swine fever, ang natagpuang palutang-lutang sa ilog ng Marikina patungo sa Pasig.
Sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Fidel V. Ramos noong 1990, nasa 700,000 mga iskwater ang inilipat sa iba’t ibang bayan sa Bulacan, Laguna, Rizal, Cavite, at Batangas, ngunit karamihan sa mga ito ay nagbalik lamang sa mga barong-barong sa paligid ng Ilog Pasig kung saan malapit ang kanilang trabaho sa Metro Manila.
Ito ang Ilog Pasig at Manila Bay na nais malinis ni Pangulong Duterte, matapos ang matagumpay na anim na buwang rehabilitasyon sa isla ng Boracay. Ngunit ang problema ng Metro Manila ay daang beses na mas malala, na inihayag ni DENR Secretary Roy Cimatu na aabutin ng sampung taon upang mahinto ang lahat ng basura at polusyon na bumubuhos sa look mula sa Pasig at sa marami pang ilog mula sa Bataan, Pampanga, Bulacan, Metro Manila, Laguna, at Cavite.
Nilikha ni Pangulong Joseph Estrada, na pumalit kay Pangulong Ramos noong 1998 ang Pasig River Rehabilitation Commission, na may iisang tungkulin na linisin ang ilog. Malinaw na bigo ang komisyon sa tungkuling ito makalipas ang maraming taon. Napakarumi ng Pasig. Mayroong plano sa pangunguna ni Budget Secretary Benjamin Diokno na magtayo ng ferry service na may maraming istasyon sa kahabaan ng Pasig, ngunit walang nangyari rito, marahil dulot na rin ng polusyon at matinding amoy ng ilog, mas pipiliin ng mga pasahero na sumakay ng bus, jeep, at tren kahit pa matrapik sa mga lansangan ng Metro Manila.
Gayunman, tila determinado si Pangulong Duterte na gumawa ng hakbang hinggil sa problema ng Pasig, lalo pa’t nakatira lamang siya sa gilid nito sa Malacañang. Aniya, nitong Martes, “Me, I am just near the Pasig River. Sometimes I take a bath there if I want bacteria in my body to help me become immune.”
Siyempre pa nagbibiro lamang siya, ngunit umaasa tayo, na tulad sa kaso ng maraming iba pa niyang biro, nangangahulugan ito na nais talaga niyang maaksyunan ang marumi, mabaho, at matinding polusyon ng Ilog Pasig.