NAGWELGA ang mga tsuper ng jeep sa Valenzuela nito lang nakaraang linggo. Prinotesta nila ang pagpapatupad ng City Ordinance No. 572 na inaamyenda ng City Ordinance 587, na kilala bilang “NO CONTACT APPREHENSION PROGRAM.”
Sa ilalim nito, ipaiiral ang batas trapiko sa tulong ng mga Traffic Enforcement Cameras (TEC) na nakakalat sa buong lungsod. Ang anumang sasakyan na lumalabag sa batas trapiko na mahuhuli ng TEC, makatatanggap ang rehistradong may-ari nito ng Notice of Violation. Nakasaad dito ang uri ng paglabag, ang lugar at oras kung kailan ito nagawa, at ang larawan nito. Kaakibat ang online link kung saan maaaring mapanuod ang video ng paglabag. Gamit ang sistema ng Motor Vehicle Registration Alert System database ng Land Trasportation Office (LTO), malalaman ang impormasyon ng mahuhuling sasakyan na iaalarma rito. Hindi makakapag-renew ng rehistro ang sasakyan hanggang hindi nakababayad ng multa na itinatadhana ng ordinansa.
Hindi ko alam kung bakit tinututulan ng mga tsuper ng jeep ang nasabing ordinansa. Pangkaraniwan na kasi kapag may ganitong pagkilos, may mga anunsiyo at polyetong ikinakalat sa hangarin ng mga nagsasagawa ng pagkilos na malaman ng taumbayan ang kanilang hinaing upang makakuha sa kanila ng simpatiya. Masaktan man ang publiko, maiintindihan sila. Wala akong nasaksihan na ganito sa mga araw na nagwelga ang mga tsuper, kaya nalaman ko na lang sa ikatlong araw nito kahit ako ay taga-Valenzuela.
Hindi lang sa Valenzuela ipinatutupad ang ganitong klaseng ordinansa. May mga siyudad sa Metro Manila na pinaiiral din ito. Bakit nga ba hindi, eh sa Valenzula lang ay napakatrapik na lalo sa Mac Arthur Highway sa umaga at hapon. Gumagawa ng lahat ng paraan ang pamahalaan upang mabawasan ang pagbigat ng trapik na siyang isa sa mga dahilan kung bakit nalilimitahan ang kayang ibigay ng ekonomiya ng bansa. Kaya, ginagawang mga patakaran ng mga nasa kapangyarihan ang pagnanais nitong maisaayos ang kalagayan ng mga publikong daanan ng mga sasakyan. Pangunahing layunin ng ordinansang pinoprotesta ng mga tsuper ng jeep sa Valenzuela ay pag-ibayuhin ang disiplina ng lahat ng gumagamit ng kalye. Pribado o publikong sasakyan ay saklaw ng ordinansa. Ang probisyon hinggil sa mga paglabag na may kaukulang parusa o multa na nakasaad sa ordinansa ay makatwiran at napakadaling igalang. Gagamitin pa ang pondong malilikom para sa mga maralitang pasyente ng hemodialysis sa Valenzuela.
Hindi ko nakikita ang pagkakaiba sa pagitan ng kamera at traffic enforcer na nanghuhuli ng lumalabag sa batas trapiko, maliban lang na kapag ito ay traffic enforcer, may lusot at kayang balewalain. Sa sitwasyong ganito, lulubha lang ang kawalan ng disiplina ng mga gumagamit ng kalye.
-Ric Valmonte