Sa wakas, napagtanto na ng buong mundo, kasama na ang ating bansa, ang malawakang suliranin ng mundo sa plastik, dahil milyong tonelada ng basurang plastik ang pumupuno sa ating kalupaan at karagatan taun-taon. Mananatili at maiipon lang ang mga ito ng ilang daang taon, dahil sa karamihan sa mga plastik ay non-biodegradable.
Ilan sa mga piraso ng plastik ay napupunta sa mga tiyan ng balyena at iba pang mga nilalang sa dagat, na nagiging dahilan ng kanilang pagkamatay. Natuklasan na ng mga siyentipiko na karamihan sa mga plastik ay natutunaw sa mas maliliit na piraso na tinatawag na microplastics, na napupunta naman sa mga laman ng isda na siyang nakakain ng tao. May tumataas na paangamba sa mundo ngayon na ang mga maliliit na pirasong ito na napapasama sa food chain ay isang banta sa buhay ng mga tao.
Bago ang pagkatuklas sa microplastics, mas pamilyar tayo sa mga ulat ng mga plastic bags, styrofoam wrappers, at iba pang mga basurang bumabara sa daanan ng tubig, na nagpapalala sa mga baha at nagiging pangitlugan pa ng mga lamok.
Tinatantya ng United Nations Environment Program na sa kasalukuyang estado ng paggamit at pagtatapon ng plastik, magkakaroon ng bilyong tonelada ng plastik sa mga landfill, ilog, lawa at dagat sa taong 2050. Ang pinakakaraniwang uri ng basurang plastik ay ang upos ng sigarilyo, drinking bottles, takip ng bote, food wrappers, grocery bags, lids, straw, at maging stirrers, ayon sa ulat.
Sa Pilipinas, na pinangalanang kasama ng China at Indonesia bilang Top 3 sources ng mga basurang plastic sa karagatan ng mundo, ay nagpasa na ng mga panukala, kapwa sa Senado at Kongreso upang mapangasiwaan ang paggamit ng mga one-time plastic products. Isang panukalang batas ni Senator. Centhia Villar ang naglilista sa mga plastik, katulad ng softdrinks straws, stirrers, mga bote at cups, kutsara at tinidor, at maging sachets para sa gamot. Nagpasa rin si Senator Sonny Angara ng isang mungkahing bagtas na naglalayong buwisan ang mga paggamit ng mga ganitong materyal.
Ang industriya na mismo ng plastik sa bansa, sa pamamagitan ng 200-miyembro nitong Philippine Plastics Industry Association, ay boluntaryo ng nagbawas, kasabay naman ng pagpapataas ng produksyon ng mga reusables.
Isang kagyat na pagbabawal sa ilang mga produktong plastik, regulasyon sa pamamagitan ng pagbubuwis, at boluntaryong pagbabawas ng produksyon ng mga kumpanya ng plastik, ilan lamang ito sa mga posibilidad na malapit ng pagdebatehan at pag-usapan sa Kongreso.
Malugod naming sinasalubong ang bagong tuklas na responsibilidad ng ating mga opisyal at mga mamamayan. Bahagya tayong nahuhuli kung ikukumpara sa ibang mga bansa tulad ng Bangladesh na ipinatupad na ang pagbabawal sa lahat ng single-use plastics noon pang 2002, o 17 taon na ang nakararaan. Ngunit, nagising na rin ang ating bansa, sa peligro ng polusyon ng plastik at ngayo’y gumagawa na ng hakbang upang pagaanin ang ating walang kinikilingang kontribusyon sa problemang ito ng buong mundo.