MARAMING opisyal ng pamahalaan ang pasimpleng nagtaasan ang mga kilay sa biglang pag-anunsiyo ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na ang ipinalit niyang bosing sa Bureau of Corrections (BuCor) ay ang dating warden ng Parañaque City Jail,na sumikat sa mga sabit at asunto dahil sa pagiging sobrang brusko at barako kada kulungan na mahawakan nito.
Alam na alam kasi ng mga opisyal sa administrasyon at maging ng mga nasa oposisyon, ang mga naging sabit ng bagong appoint na Director General ng BuCor, na matagal ding pinagpiyestahan sa mga lumabas na balita sa TV, radyo, pahayagan at maging sa social media, kaya nagulat ang lahat nang lumabas sa Malacañang ang pahayag na ito.
“The Palace welcomes the appointment of Mr. Gerald Quitaleg Bantag as the new Director-General of the Bureau of Corrections,”sabi niPresidential Spokesperson Salvador Panelo.
Sa kabila ng mga kasong kinakaharap ni Bantag – ang pinaka-matindi ay may standing warrant of arrest ito sa 10 counts of murder –ay todo pa rin ang ginawang pag-iindorso ni Duterte rito, at ganito pinangatawanan ng Pangulo ang kanyang naging desisyon: “Crime of murder, but it was downgraded to homicide and since there is no conviction yet, in obedience to the rule of the presumption of innocence, I gave him a new job.”
Inamin ni Duterte sa mga mamamahayag na alam niya na may kasong murder na kinakaharap si Bantag, ngunit alam niya rin na “downgraded to homicide” na ito at pending pa rin, at naniniwala siya na inosente ito: “I don’t think that he did it, if he did then baka ma-convict siya, but in the meantime, gusto ko siya.” – Eh yun naman pala, ibaba na ninyo ang mga kilay at salubungin na may kasamang palakpakan ang bago ninyong ka-tropa!
Gusto ko na tuloy talagang maniwala na ang isa sa may malakas na impluwensiya sa mga pagpapasiya ni Duterte ay si Senator Christopher Lauren “Bong” Go na kamakailan lang ay nagkomento na: “Ang dapat mamuno sa BuCor ay isang killer.”
Ay bakit -- killer ba si Bantag?
Batay sa mga record sa korte, si Bantag ay sinampahan ng “10 counts of murder” nang mamatay ang 10 preso sa loob ng Parañaque City Jail noong August 2016 nang may sumabog na bomba sa loob nito. Ang pangunahing suspek sa pagpapasabog, siyempre pa si Bantag na siyang warden noon dito. Kasama sa mga namatay ay dalawang Chinese national na sinasabing mga notorious na drug lord.
Noon namang Oktubre 13, 2016, nagkagulo ang mga detainee sa Manila City Jail na nag-noise barrage at ipinagsisigawan na sibakin sa puwesto ang kanilang barako at walang awa na warden na si Bantag. Sa naturang gulo - 34 na inmates at 4 BJMP guards ang nasaktan.
Eto pa – nakatago sa files ng mga pulis – noong warden sa Malabon City Jail si Bantag ay nakasuhan ito at ilan niyang kasama ng illegal discharge of firearm at estafa sa Malabon prosecutors’ office, matapos na tumangging bayaran ang kanilang mga pagkain at inumin na nagkakahalaga ng P2,063 sa Juno Food House sa Barangay Tugatog.
Nagwala umano ang grupo ni Bantag nang singilin sila kaya nagpaputok ito ng kanyang dalang 9mm automatic pistol.
Pasadung-pasado talaga si Bantag na maging BuCor director general kung ang mga record na ito ang pag-uusapan – ‘di ba mga Koyang?
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.