Nagpa-thanksgiving preskon nito lang nakaraang Miyerkules ng tanghali ang unit ni Direk Ruel Bayani dahil tumagal halos isang taon ang kanilang seryeng Los Bastardos sa ABS-CBN at nalalapit na ang pagtatapos nito sa mundo ng telebisyon.
Pag-ibig, Pamilya at Katapangan ang mananaig sa pagtatapos nang nasabing serye.
Sa huling 2 linggo ng Los Bastardos, haharapin ng magkakapatid na Cardinal ang pinakamalaking laban ng kanilang buhay—ang puksain ang kasamaan ni Catalina (Jean Saburit) gamit ang pagmamahal sa pamilya, pag-ibig, at katapangan.
Mananatili pa rin ang pag-asa sa puso nina Isagani (Jake Cuenca), Lorenzo (Joseph Marco), at Lucas (Albie Casiño) na mahahanap nila si Connor (Joshua Colet) at muling mababawi si Matteo (Marco Gumabao) mula sa kamay ng mga kalaban ngayong isa-isa nang napapabagsak ang mga tauhan ni Catalina, dahilan para humina ang kanyang masasamang balak.
Ngunit sa likas niyang pagiging tuso, makakahanap si Catalina ng paraan na tirahin ang kahinaan ng magkakapatid na Cardinal—ang mga babaeng kanilang minamahal—na maglalagay sa kanila sa bingit ng kamatayan.
Tuluyan pa nga bang makumpleto ang pamilya Cardinal?
Sa loob ng halos isang taon, kinapitan ang kwento ng Los Bastardos na nagpapakita ng matibay na samahan ng pamilya sa kabila ng mga problemang hinaharap. Kinapulutan ng aral ang pagmamahalan nina Don Roman (Ronaldo Valdez) at Soledad (Gloria Diaz) na parehong hindi sumuko sa kanilang walang kapantay na pag-iibigan kahit paulit-ulit silang sinubok ng tadhana.
Ang kanilang katatagan ang siya ring naging inspirasyon ng kanilang mga anak upang hindi sumuko sa hamon ng buhay. Mahirap man sa umpisa, namayani pa rin sa puso nina Isagani, Lorenzo, Lucas, at Connor ang pagiging magkapatid. Kahit pa napalayo sa kanila si Matteo, nananatili pa rin ang kagustuhan nilang maitama ang lahat ng pagkakamali nito.
Kinakiligan din ang serye sa matamis na pagmamahal na dala ng mga minamahal nilang sina Isay (Maxine Medina), Dianne (Ritz Azul), Coralyn (Mary Joy Apostol), at Lupita (Mica Javier) na sinamahan sila sa lahat ng laban kahit pa malagay sila sa kapahamakan.
Mula Oktubre 2018, tinutukan ng mga manonood ang serye at nagkamit ito ng all-time high national TV rating na 20.3%, ayon sa datos ng Kantar Media. Pinag-usapan din ito online at naguna sa trending topics at nakalikom ng libo-libong views sa YouTube at iWant in pernes!
-Mercy Lejarde