Tinawag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na black propaganda at disinformation laban sa administrasyong Duterte ang foreign documentary hinggil sa kanyang war on drugs.
Ang tinutukoy ni Panelo ay ang pagsasapelikula ng mga pagpatay sa bansa na may kaugnayan sa ilegal na droga na may pamagat na “On President’s Order.” Sa pamagat pa lang ay malisyoso na, aniya. Ayon sa kanya, pinalalabas na mapanganib ang Pilipinas at mamamatay-tao ang gobyerno, na ang mga pagpatay kaugnay sa droga ay iniutos ng Pangulo. Binatikos ni Panelo ang pagsasalarawan sa film’s website na nagsaad na ang mga “nakuha sa kamera ay mga dukhang komunidad at mga grupo ng mga pulis na pinapatay ang kanilang mga kababayan sa maling basehan ng moralidad.” Nakatakdang ilabas ang docufilm sa mga sinehan sa Amerika, United Kingdom at Canada. “Binibigyan ng mga maling impormasyon ang mga banyagang tagapanood hinggil sa pagsugpo ng ilegal na droga, partikular ang klase at numero ng mga napatay ng mga operasyon ng mga pulis laban dito,” sabi pa ni Panelo.
Hindi kaya kay Panelo lang hindi katanggap-tanggap ang American docufilm “On President’s Order”? Lumalabas lang na ang pahayag niyang ito ay nagbuhat sa Malacanang? Baka iba ang reaksyon ni Pangulong Duterte hinggil dito? Bakit nga ba hindi, eh nito lang Martes sa Malacanang, sinabi niya na iniutos niya ang pananambang sa dating alkalde ng Daanbantayan, Cebu na si Mayor Vicente Loot. Nagtatalumpati siya noon at nagagalit siya sa mga pulis na sangkot sa ilegal na droga nang matuon ang kanyang pansin kay Loot. Wika niya: “General Loot, ikaw son of a bitch. Nanalo ka pang mayor. Inambus kita, animal ka, nabuhay ka pa.” Kung inyo pang natatandaan, si Loot at ang kanyang pamilya ay tinambangan sa pantalan sa Maya, Daanbantayan, Cebu noong Mayo 2018, subalit hindi sila napuruhan. Nauna rito, si Loot ay isa sa mga heneral na pinangalanan ng Pangulo na sangkot sa bentahan ng droga.
Ito na naman si Panelo at ipinaliliwanang ang maliwanag na sinabi ni Pangulong Digong na inambus niya si Loot. Iba, aniya, ang kanyang ibig sabihin. “Ang Pangulo ay abogado, naging prosecutor, kaya imposibleng magpapapatay siya,” sabi pa ni Panelo. Ang hindi binanggit ni Panelo ay matagal na naging alkalde ng Davao City ang Pangulo at sa kapasidad niyang ito, inakusahan siya ni Senador Leila Delima na mayroon siyang Davao Death Squad. Kung inako na nga ng Pangulo sa publiko ang responsiblidad na pagaambas kay Gen. Loot, sino itong si Panelo na itatanggi ito na hindi ito ginawa ng Pangulo? At sino ito si Panelo na magsasabi buhat sa Malacanang na mali at malisyoso ang nilalaman ng docufilm “On President’s Order” na nagpapahiwatig na ang mga pagpatay na may kaugnayan sa droga ay sa utos ng Pangulo? Marahil, tama lang ang sinabi ni Mrs. Loot, na kasama ng heneral nang tambangan ito, na hayaan na lang ng publiko ang umintindi sa sinabi ng Pangulo na ginawa sa kanila. Nakagugulo nga lang naman ang ipaliwanag pa ito.
-Ric Valmonte