KALOKOHAN ‘yan mula sa isang taga-Kalookan.
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Sen. Ralph Recto sa pagbaril nito sa panukala ni Caloocan City Congressman Edgar Erice na magpatupad ng ban sa mga pribadong sasakyan tuwing rush hour.
Iisa ang tono ni Recto at Senate President Vicente Sotto III sa pagkontra sa panukala ni Erice na ipagbawal ang mga pribadong sasakyan sa kahabaan ng EDSA simula 6:00 hanggang 9:00 ng umaga, at 6:00 hanggang 9:00 gabi.
Ang rason ni Erice: Ito’y upang maengganyo ang mga may-ari ng private cars na sumakay na lamang ng mga mass transport system tulad ng bus, MRT at LRT o UV van. Sa kanyang datos, aabot sa 300,000 private car ang dumaraan sa EDSA habang nasa 8,000 ang mga bus ang nagpapabalik-balik sa naturang kalsada.
Hangad ni Erice na umiwas ang daan libong motorista sa paggamit ng mga pribadong sasakyan, na sinisisi niya sa pagkakabuhul-buhol ng trapik sa EDSA.
Ang lalong nakaloloka ay isang linggo pa lamang ang nakararaan nang ipinanukala rin ng isang pribadong indibiduwal na ipatupad ang ‘one-way’ traffic scheme sa EDSA.
Hay naku! Meron pa bang titindi sa mga panukalang ito?
Hindi na katakataka kung may magpanukala na ipagbawal ang lahat ng uri ng sasakyan sa EDSA. Marahil ito na talaga ang tiyak na solusyon sa matinding trapik doon.
Parang hindi nag-iisip ang mga indibiduwal na ito sa paghahayag ng kani-kanilang suhestiyon sa pagresolba sa isyung ito. Parang ‘Grade One’ kung mag-isip, hindi na nagsisiyasat at gumagamit ng mahahalagang datos upang magkaroon ng scientific approach sa problema.
Hindi natin mabatid kung ang pakay ng mga ito ay magpatawa lamang o seryoso sa kanilang panukala. Nagdo-droga ba kayo?
Maaari ring ito’y indikasyon din na nagpa-panic na hindi lamang ang gobyerno ngunit ang pribadong sektor sa nagiging epekto ng tumitinding trapik sa Kalakhang Maynila.
Habang gumagamit ng salamangka ang ating mga kinatawan sa gobyerno at iba pang motorista, patuloy ang paglala ng trapik.
Nanggaling na mismo kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Danilo Lim na walang master plan ang gobyerno para maresolbe ang trapik – maging ito’y short, medium o long-term plan.
Aniya, nasa kalagitnaan pa ang pag-aaral na isinasagawa ng Japan International Coordinating Agency (JICA) sa pagbabalangkas ng isang traffic master plan sa Metro Manila at aabutin pa ng mahabang panahon upang ito ay makumpleto.
Samantala, ihanda niyo ang sarili sa ilan pang magagaling na suhestiyon sa pagresolba sa traffic.
-Aris Ilagan