ISANG bagong mungkahi upang masolusyunan ang matagal nang problema ng trapik sa Epifanio delos Santos Avenue (EDSA) ang inihayag kamakailan ni Caloocan Representative Edgar Erice, na nanawagan para sa isang ekslusibong paggamit ng mga bus tuwing rush hour. Mula 6:00 hanggang 9:00 ng gabi, tanging mga bus lamang na may sakay na mga pasahero ang papayagang dumaan sa EDSA, hanggang sa makumpleto ang pagtatayo ng nakataas na kalsada na magkokonekta sa NLEX at SLEX, konstruksiyon ng Metro Subway, at ang rehabilitasyon ng MRT-3.
Ang mungkahing ito ay taliwas sa naunang plano ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na magbabawal sa mga bus galing probinsiya sa EDSA, na isang paglalaan sa mga pribadong sasakyan at mga city bus tuwing rush hour. Mayroon pang ibang mungkahi—ang one-way patungong timog para sa EDSA at C-3 para sa patungong norte, paglilinis ng magkabilang ruta mula sa harang na mga nakaparadang sasakyan, at pagtatakda ng night shift para sa mga manggagawa sa Metro.
Patuloy ang pagdinig ng Committee on Public Services ng Senado na pinamumunuan ni Sen. Grace Poe hinggil sa iba’t ibang mungkahi para sa EDSA at sa sesyon nitong nakaraang linggo, iginiit niya si Secretary of Transportation Athur Tugade na magprisinta ng isang master plan, sa halip na humingi ng emergency power na maaaring maabuso tulad ng martial law.
Nang sumunod na araw sinabi ni Senador Francis Tolentino na hindi trabaho ni Secretary Tugade ang pamamahala sa trapiko. Sa mga nagdaang panahon, tila lumalabas na wala ni isang opisyal ang nakaisip na bumuo ng plano tulad ng isang master plan, at ang tangi nilang hinihintay ay ang pagbibigay ng Kongreso ng emergency power upang mapahintulutan ang mga madaliang solusyon. Iminungkahi ng MMDA bilang solusyon ang pagbabawal sa mga bus galing probinsiya, ngunit tila wala itong karapatan lalo’t ang prangkisa para sa mga bus ay inaaprubahan ng ibang ahensiya, ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board.
Ngunit marami na ang naging mga mungkahi, ang pinakabago nga ay ang inihain ni Congressman Erice. Maaaring ito na ang panahon para pag-aralan ang lahat ng ito, at pumili na maaaring ipatupad agad, gayundin ang listahan ng iba pang mungkahi na nangangailangan ng emergency powers upang maipatupad.
Maaaring sumang-ayon ang komite ni Senadora Poe sa isang master plan na may tiyak na hakbang, na maaaring suriin at pag-aralan, na kalaunan ay maaaring imungkahi na amyendahan. Hindi naman ito maaaring basta na lamang sumang-ayon sa isang mungkahi, nang walang detalye. Kailangan itong may masabi, kailangan nitong makapag-ambag. Hindi ito magiging tapat sa dakilang tradisyon ng independensiya at karangalan ng Senado ng Pilipinas kung sasang-ayon lamang ito sa isang plano na walang detalye ng aksiyon, at tanging kapangyarihan lamang.