TALAGA yatang kawawa ang minamahal nating Pilipinas. Isipin ninyo: Laganap pa rin ang illegal drugs kahit libu-libong pushers at users na ang naitutumba, patuloy ang karahasan at bombahan sa Mindanao kahit umiiral doon ang martial law. Ang West Philippine Sea ay parang nawawala na sa atin . Nitong nakaraang linggo, sumabog na balita ang nakaririmarim na GCTA (Good Conduct Time Allowance) na ipinagbibili raw sa mayayamang preso at drug lords. Kay mahal ng “tilapia” na ipinagbibili roon.
Aba, kung hindi ito natunugan ng media, baka nakalaya na si rapist-murderer ex-Calauan Mayor Antonio Sanchez na binigyan ng GCTA ng ilang tiwali at bulok na opisyal at kawani ng Bureau of Corruption (BuCor). Totoo bang ‘For Sale’ ang GCTA?
Kung ‘di ba naman minamalas ang Pilipinas kong Minamahal, biglang nanalasa ang tinatawag na ASF o African Swine Fever. Sa ngayon ay patuloy sa pagkitil ng maraming baboy sa iba’t ibang lugar ng bansa ang ASF. May mga report na nagsilutang ang mga patay na baboy sa ilog sa ilang lugar sa Bulacan at Rizal.
Dahil dito, labis na naapektuhan ang swine industry at piggery ng mga Pinoy na nag-aalaga ng mga baboy para sa kanilang kabuhayan. Maging ang backyard piggery ng mga ordinaryong magbababoy ay apektado, kinukuha at pinapatay kahit libu-libong piso ang puhunan ng mga may-ari.
oOo
Tapos na ngayon (Setyembre 19) ang 15 araw na deadline ni Pres. Rodrigo Roa Duterte upang kusang sumuko ang mga heinous crime convicts (HCCs) na nakalaya sa bisa ng GCTA. Handa na ang Philippine National Police (PNP) para hanapin at tugisin ang mga HCCs (murderers, rapists, criminals) na magmamatigas.
Ayon kay PNP Chief Gen. Oscar Albayalde, plano nilang gamitin ang Special Action Force (SAF) sa paghahanap at pagtugis sa mga bilanggo na convicted ng kasuklam-suklam na krimen. Wala raw namang shoot-to-kill order, pero kung sila’y manlalaban, iba na ang usapan.
May 431 convicts na ang sumuko habang sinusulat ko ito. Sa bilang na ito, 250 ang dinala sa BuCor. May 40 naman ang mula sa Metro Manila. Kabilang sila sa 1,914 HCCs na binigyan ng kalayaan sa ilalim ng R.A. 10592 o GCTA. Kung ganoon, marami pa ang hindi sumusuko.
Nais kong ipaabot sa pamilya ni Ariel Dim Borlongan, dating editor ng BALITA, ang pakikiramay sa kanyang pagyao nitong nakaraang buwan (Agosto). Nabasa ko sa Facebook na siya ay namatay (hindi nasawi) sa edad na 60.
Si Ariel ay isa ring makata bukod sa pagiging diyarista. Disipulo siya ng kababayan kong si Virgilio Almario (Rio Alma), National Artist at tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Kay Ariel, humimlay ka, mamahinga at baunin sa libingan ang mga tula at katha mo nang ikaw ay nabubuhay pa!
-Bert de Guzman