ITO na ang tugon ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa halos limampung-taong paghihimagsik ng komunista sa ating bayan. Inihalintulad ni Digong sa patay na kabayo ang usapang pangkapayapaan sa teroristang grupo, ni Jose Ma Sison.
Tumpak at salpak ang nasabing pamamaraan. Magugunita na pinagbigyan ang pulang hanay sa maraming pagkakataon (ng iba’t ibang nagdaang pamahalaan) upang ipamalas na seryoso rin sila sa ganap na kapayapaan. ‘Di ba nga pinalaya ni Cory Aquino si Sison. At sa kasalukuyang panguluhan, 4 na kasapi nila, ang dating inampon ni Du30 sa kanyang gabinete. Kaya lang hindi nahinto ang mga kasalanan at kapalpakan sa tuloy-tuloy na pagdanak ng dugong Pilipino sa kamay ng Communist Party, pati ang mga bulag na alipores nito. Kailangan gamitin ng Palasyo, hindi lang ang konsepto ng “whole of nation approach,” bagkus ang “whole of government” bilang matalas na sandata sa pagtigpas sa maling ideolohiya. Gasgas na plaka na ang militar at pulis lamang ang aatasan na makipagsagupaan sa hanay militante. Utak, bibig, at bisig, hindi lang granada at kanyon, ang sukat na panangga ng pamahalaang maka-demokrasya. Ibig ipahiwatig sa “utak, bibig at bisig,” ay buong puwersa ng lipunan at gobyerno ang gumagalaw para mawakasan ang tiwali at dayuhang tatag na paniniwala.
Kapatid ng Tanggulang Pambansang sa opensiba kontra komunismo, ay Department of Interior at Local Government. Nandiyan ang 42,044 na barangay sa buong bansa bilang pundasyon para kalabanin ang maka-kaliwang National Democratic Front. Mga kuwalipikadong tanod, na dapat papasukin sa Basic Citizen Military Training, para maging AFP Reservists, katuwang ang Labor Department, TESDA, PCOO at iba pa. Kung ang CPP-NPA ay kinikilala sa mundo bilang teroristang samahan, tayo muna dapat dito sa Pilipinas ang dapat magdeklara na ang grupo ay terorista, at si Sison ay “most wanted” sa batas bilang pangunahing lider nito. Dapat ding magpaakyat ng kaso sa ating korte, pagkatapos magpabatingaw ng reward na $1-3 milyong dolyar na patong sa kanyang ulo. Sunod ang paghingi ng tulong sa Amerika, Espanya, South Korea, Indonesia, Japan, Israel at iba pang bansa upang maideklarang terorista si Sison tulad ni Bin Laden.
-Erik Espina