MATUTUWA na ngayon ang mga magsasaka dahil sa balitang bibilhin ng National Food Authority (NFA) ang aning palay sa halagang P19 bawat kilo (clean and dry palay na may 14%moisture content) at P14 per kilo ng wet palay na may 30% moisture.
Nang malaman ito ng mga kamag-anak at kaibigang magsasaka sa Bulacan, ibibilad daw nila muna ang aning palay para maibenta ng P19 bawat kilo. Sa ngayon, ang umiiral na presyo ng palay bawat kilo ay P7-P11. Lugi pa raw ang magsasaka na ang gastos ay P12 sa pagbubukid.
Ang pagbili ng NFA ng P19 per kilo ay inaprubahan ng NFA Council bilang pagtalima sa utos ni Pres. Rodrigo Roa Duterte na suportahan ng Department of Agriculture (DA) at NFA ang mga magsasaka na labis ang “pagdurusa” sa ipinasang Rice Tarrification Law (RTL) ng Kongreso na pinirmahan naman ng Pangulo.
Sa miting noong Martes ng nakaraang linggo, isa ito sa dalawang hakbang na pinagtibay ng NFA Council. Ang pangalawa ay ang pagpapabaha ng bigas sa Metro Manila at sa iba pang mga pamilihan sa buong bansa sa pagbebenta ng 3.6 million 50-kilogram ng bags ng bigas, na nakaimbak nang matagal sa NFA na nagkakahalaga ng P4.86 bilyon.
Ang kinita o proceeds mula sa ibebentang old stocks ng bigas ay gagamitin naman sa pagbili ng palay mula sa mga magsasaka. Binigyan ni Agriculture Sec. William Dar ang NFA ng hanggang Oktubre 10 para mai-dispose ang old stocks na nasa kanilang mga bodega sa release price na P25 per kilo sa mga retailer para sa distribusyon sa halagang P27 bawat kilo.
Sinabi ni Dar na simula noong Sabado, may mga NFA truck na magdi-deliver ng murang bigas sa mga pangunahing pamilihan sa buong bansa. “We really need to synchronize and harmonize all our activities to bring down price prices in the market while increasing the income of palay farmers.”
oOo
Sagana pala sa mga TILAPYA ang mga mayayaman at maimpluwensiyang preso sa New Bilibid Prison (NBP). Sa pagdinig sa Senado noong Huwebes, nabunyag na ang mga “tilapya” o dayuhang prostitutes ay puwedeng papasukin sa loob sa halagang P30,000. Ang mobile phones naman ay P500,000, at ang medical certificate ay sa halagang P1,000. Nangyayari ito sa tulong ng sindikato na sangkot ang jail guards, prison doctors at mga bantay sa mga gates na pinapayagan ang mga heinous crime convicts (HCCs) na magawa ang kanilang operasyon at negosyo sa loob ng NBP.
Binilang ni Sen. Panfilo Lacson batay sa testimonya ng mga testigo ang pitong paraan ng pinagkakikitaan sa loob ng bilangguan: l. prostitutes for hire; 2. medical passes; 3. pagpapasok ng mga cellphones; 4. drug trafficking; 5. credit racket; 6. pagkuha o pag-umit sa food allowances ng mga preso; at 7. pagsusugal ng 24 oras.
Sa puntong ito, nagkomento si Sen. Richard Gordon, chairman ng Senate blue ribbon committee, na lahat ay for sale sa loob ng BuCor o NBP. Paano raw maitutuwid at maiaayos ang buhay ng mga preso kung sa loob mismo ay grabe ang kurapsiyon at katarantaduhan.
Ang mga bilanggo na biktima umano ng inhustisya at maging ang kanilang pamilya ay lalong nagdurusa sa inhustisya sa loob. Badya ni Sen. Dick: “Hindi magkapantay ang mayaman at mahirap sa loob ng Bilibid, hindi lang sa labas.” Suriin natin, sa loob at labas man ng bilangguan at maging sa ano mang lugar sa bansa, nakahihigit ang may salapi kumpara sa ordinaryong tao na walang pera!
-Bert de Guzman