MAHIGPIT na tinututukan ng mundo ang mga pagbabago kasunod ng naging pag-atake sa industriya ng langis sa Saudi Arabia, na pumutol sa produksiyon nito sa kalahati, nitong Sabado—dahil sa dalawang kritikal na dahilan.
Ang una ay ang panganib na ang naging pag-atake ay magdudulot ng isang digmaan sa Gitnang Silangan sa pagitan ng Saudi Arabia at ng karibal nitong Iran, kasama ng Estados Unidos na nasa panig ng Saudi Arabia. Pinangungunahan ng Saudi ang isang Sunni coalition sa isang digmaan laban sa Yemen, isang maliit na kalapit nitong bansa sa timog, na suportado naman ng Shiiite Iran. Nitong Sabado, sinira ng pag-atake ng mga drone ang sentro ng industriya ng langis sa Saudi, na higit kalahati ng kabuuang produksiyon ng langis sa bansa.
Inako ng Houthis ng Yemen ang responsibilidad sa pag-atake ngunit isinisi ito ni United State Secretary of State Mike Pompeo sa Iran. Sinabi ni Iran Foreign Ministry spokesman Abbas Mousavi na ang alegasyon ng US ay tila nagpapatunay sa nalalapit na hakbang ng Amerika laban sa Iran.
Muntikan nang sumiklab ang isang digmaan noong Hunyo nang ipag-utos ni US President Trump ang pag-atake sa Iran makaraang pabagsakin nito ang isang US drone, ngunit sa huling mga sandaling nalalabi kinansela rin niya ang utos. “We have always prepared ourselves for a full-fledged war,” pahayag ng commander ng Islamic Revolutionary Guard Corps’ aerospace arm ngayong linggo. “Everyone should know that all American bases and their vessels in a 2,000-kilometer range can be targeted by our missiles.”
Bagamat nariyan ang panganib, kapwa batid ng US at Iran na ang destruksiyong dulot ng isang missile war ay magdudulot ng pagkawasak sa kanilang dalawa. Higit na maanganib mula sa pagkasira ng Saudi Arabia ang malaking pagbagsak ng ekonomiya na mangyayari sa buong mundo dahil sa malaking pagbagsak sa iniluluwas na langis ng Saudi Arabia.
Sa kasalukuyan, iniluluwas ng Saudi Arabia ang higit milyong bariles ng langis sa mga bansa sa buong mundo, kabilang ang Pilipinas. Sinabi ni US President Trump kay Saudi ruler Crown Prince Mohammed bin Salman na handa ang US na maglabas ng reserba nitong petrolyo kung kinakailangan. Ngunit ang malaking pagkabawas sa kabuuang iniluluwas na suplay ng US ay makaaapekto sa mundo na kaugnay ng batas ng supply at demand.
Umangkat ang Pilipinas ng 31.6 porsiyento ng pangangailangan nito sa pertrolyo mula sa Saudi Arabia noong 2018, na nagkakahalaga ng $1.6 bilyon. Sunod na pinakamalaki nating pinagkukunan ng langis ang Kuwait, 26.6%; United Arab Republic, 23%; South Korea, 5.5%; at Malaysia, 5%. Habang umaangkat din tayo sa mga bansa ng Qatar, Russia, Oman, China, at Nigeria.
Sumirit ang presyo sa lokal na merkado—ang inflation—sa Pilipinas nitong nakaraang taon dahil sa epekto ng mataas na presyo ng langis sa global na merkado, na pinalala pa ng bagong buwis na ipinatupad sa diesel kaugnay ng TRAIN 1. Dapat tayong maging handa sa epekto ng pagkasira sa halos kalahati ng produksiyon ng langis sa Saudi Arabia, sa pandaigdigang suplay at presyo—at hindi maiiwasan, sa ating sariling presyo.