ITINAKDA ang panahon ng Setyembre 5 hanggang Oktubre 5 bilang National Teachers’ Month habang ang Oktubre 5 ay World’s Teachers Day. Tema ng selebrasyon ngayong taon ang “Gurong Pilipino: Handa sa Makabagong Pagbabago” habang ipagdiriwang naman ito sa mundo gamit ang temang “Young Teachers: The Future of the Profession.”
Hindi mahirap ikatwiran ang isang buong buwan na selebrasyon para sa mga guro na naglalaan ng kanilang buong buhay para sa pagtuturo, pagbibigay inspirasyon, pagpapayaman at paggabay sa mga kabataan. Sunod sa mga magulang, guro ang sumasakop sa mahalagang tungkulin sa ating pag-unlad bilang isang indibiduwal. Ang mga katangiang taglay natin ngayon, ang mga kaugalian at etika na napaunlad natin sa mga taong lumilipas, ay hinubog ng ating mga magulang at guro na nagbigay sa atin ng inspirasyon.
Isang mahirap na trabaho ang ginagawa ng mga guro. Ngunit ginagawa nila ito dahil para sa kanila hindi lamang ito isang trabaho, ito ay isang bokasyon. Kaya naman tinatawag ang pagiging guro bilang isang dakilang propesyon.
Kailangang paunlarin at hasain ng mga guro ang kanilang mga kasanayan upang mahasa ang pag-iisip ng kanilang mga estudyante. Kailangan nilang maging handa ‘academically’ ngunit kailangan din nila ng abilidad upang mabigyan ng motibasyon ang mga mag-aaral. Hindi lamang ito usapin ng kaalaman sa dapat ituro ngunit kung paano maibabahagi ang isang kaalaman.
Ngunit ang pagtuturo ay isa lamang bahagi ng tungkulin ng isang guro. Maraming bagay ang kailangan pa nilang gawin na hindi naman nakasulat sa deskripsyon ng kanilang trabaho. Halimbawa nito, kailangan ng mga guro na makapukaw. Ilang mag-aaral ba ang pinili ang isang karera dahil sa isa sa kanilang mga naging guro? Marami akong kilalang matagumpay na propesyunal na itinuturo ang kanilang mga naging guro bilang kanilang inspirasyon. Minsan, kahit pa ang isang “terror” na guro ay pumupukaw sa mga estudyante na mas pag-igihin ang kanilang pag-aaral, at magtagumpay.
Sa maraming pagkakataon, nagsisilbi ring compass ang mga guro para sa kanilang mga mag-aaral na kailangan ng isang mahalagang desisyon sa buhay—kahit pa ang mga nasa labas ng paaralan. Guro rin ang humaharap sa problema ng kanilang mga estudyante sa tahanan dahil nakaaapekto ito sa kanilang pag-aaral.
Sa Pilipinas, lumalampas ang tungkulin ng mga pampublikong guro sa labas ng silid-aralan, para magsilbing tagapagtanggol ng demokrasya. Tuwing halalan, itinatalaga natin ang mga guro bilang tagapamahala sa proseso ng halalan na mapanganib para sa mga lugar na may matinding labanan. Isinusugal ng mga guro ang kanilang buhay upang maisakatuparan natin ang karapatan na bumoto. Isa itong kadakilaan at kabayanihan.
Natatandaan ko pa noong ako ay nasa Senado, isinulong ko ang batas na magkakaloob ng libreng legal na tulong at pinansiyal na suporta para sa mga pampublikong guro na nahaharap sa mga usaping legal bilang resulta ng kanilang trabaho tuwing halalan.
Bukod pa sa katotohanang nagtatrabaho sila ng lampas sa itinakdang oras tuwing halalan at madalas pang naantala ang allowance na ibinibigay sa kanila, nahaharap din sila sa ilang kaso bilang bahagi ng panggigipit mula sa mga magkakaaway sa politika. Ito ang dahilan kung bakit ko inihain ang panukalang-batas na naghahangad na magkaloob ng isang mekanismo ng legal na tulong para sa mga guro na kinakasuhan kaugnay ng kanyang tungkulin tuwing halalan.
Tuwing halalan, maraming lumalabas na ulat ng panggigipit, pang-aabuso at maging kamatayan ng mga pampublikong guro. Naaalala ko noong ako ay tumatakbo para sa ikalawang termino sa Senado noong 2007, limang guro sa Abra ang sugatan nang tambangan sila ng mga armadong kalalakihan habang ibinabiyahe ang mga materyales sa eleksiyon. Habang sa Taysan, Batangas, dalawang guro ang namatay makaraang sunugin ang isang polling precinct.
Ang tawaging bayani ang mga guro ay isang maliit lamang na bagay. Kailangan natin ng isang bokabularyo na tamang maglalarawan sa kanilang mga sakripisyo.
-Manny Villar