TARGET ng University of Santo Tomas na maipagpatuloy ang impresibong kampaya sa pakikipagtuos sa Adamson ngayon sa pagpapatuloy ng UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament.

Hawak ang kartadang 3-1, haharapin ng Tigers ang Falcons sa ikalawang laro ganap na 12:30 ng hapon sa hangad na manatiling nasa NO.2 sa likod ng defending champion at wala pa ring talong Ateneo de Manila (4-0)

Huling ginapi ng Tigers para sa kanilang bounce back win pagkaraang mabigo sa ikatlo nilang laban kontra sa Blue Eagles ang National University Bulldogs, 87-84 noong nakaraang Linggo sa overtime.

Sa kabilang dako, sumadsad naman ang makakatunggali nilang Falcons sa ikalawang dikit nitong talo makaraang ungusan ng Univ of the Philippines nito ring Linggo, 83-82.

Lumupaypay ang bagwis ng Falcons partikular sina Jerrick Ahanmisi at Jerom Lastimosa matapos silang talunin ng Maroons na umabante sa pinakamalaking bentahe na 16 puntos sa regulation.

Manny Pacquiao, nag-ceremonial first pitch sa gitgitan ng Yankees at Athletics

Mauuna rito, magtutuos sa pambungad na laro ng nakatakdang 3-game bill ang pumapangatlo ngayong University of the Philippines (2-1) at winless pa ring National University (0-3)ganap na 10:30 ng umaga habang maghaharap naman sa tampok na laban ang Far Eastern University at De La Salle ganap na 4:00 ng hapon.

-Marivic Awitan

Mga Laro Ngayon

(Mall of Asia Arena)

10:30 n.u. -- UP vs NU (Men)

12:30 n.h. -- AdU vs UST (Men)

4:00 n.h. -- FEU vs DLSU (Men)