WALANG dapat ipagamba, muling bubuksan at magagamit ng atletang Pinoy ang pasilidad sa Rizal Memorial Coliseum bago ang 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre.
Ayon kay Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William ‘Butch’ Ramirez, nasa takdang oras ang pagkukumpuni sa mga venues sa loob ng RMSC, kabilang ang Ninoy Aquino Stadium, track at football oval, at ang pamosong Rizal Memorial Coliseum at target nitong muling magbukas sa publiko sa Oktubre 31.
“We’re on the right track as far as the completion of Rizal Memorial Coliseum and other venues are concern. Kahit umuulan, tuloy ang gawa kaya we expected na matapos na ito by the end of October,” pahayag ni Ramirez matapos ang isinagawang PSC Board meeting kahapon.
Sinimulan ang rehabilitasyon ng 84-year-old – kabilang sa lugar na protektado ng National Historical Commission – nitong Hulyo matapos maibigay ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang P842 milyon tulong pinansiya; sa PSC.
Sa SEA Games, ang gymnastics ang unang makakagamit sa pasilidad.
Sinabi naman ni PSC Executive Atty. Guillermo Iroy na halos ‘finishing touches’ na lamang ang gagawin sa Ninoy Aquino Stadium – ang venue ng taekwondo event sa SEA Games.
-Annie Abad