HINDI pabor si Pres. Rodrigo Roa Duterte sa SOGIE (Sexual Orientation, Gender Identity and Expression and Equality) Bill. Hindi rin pabor si Senate Pres. Vicente “Tito” Sotto III sa SOGIE. Sa ganitong situwasyon, tiyak nang matsu-tsugi ang SOGIE ng mga bakla, tomboy, transgender atbp.
Sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo, hindi sesertipikan bilang ‘urgent’ ni Mano Digong ang SOGIE Bill, pero okey sa kanya ang pagsasabatas ng panukala laban sa sexual o gender discrimination. Ang gusto ng Pangulo ay isang pangkalahatang anti-discrimination law.
Sa panig ni Sotto na isa ring macho man tulad ng ating Presidente, ang SOGIE ay hindi karapat-dapat sapagkat maituturing itong isang “class legislation” o natatanging lehislasyon/batas na para lang sa mga bakla, tomboy, transgender atbp.
Katwiran ni Sotto, kahit ano man ang gawin ng isang tao, kapag siya ay isinilang na isang lalaki, mananatili siyang lalaki, may lawit at dalawang balls kahit siya ay nakasuot ng pambabaeng damit. Hindi kailanman siya magiging isang babae dahil wala siyang matris o obaryo tulad ng isang tunay na babae, isinilang na isang babae na taglay ang kaangkinan at kalikasan ng anak ni Eba.
Lumitaw ang kontrobersiya tungkol sa umano’y diskriminasyon sa mga bakla, tomboy atbp. ng isang Gretchen Diez ang pumasok sa isang female restroom para tumugon sa tawag ng kalikasan. Pinagbawalan siya ng janitress at sinabihang lumabas dahil ito ay pambabae. Nagreklamo si Diez ng diskriminasyon.
Sabi ni PRRD, para maiwasan ang gulo, dapat magpatayo ang mga mall o establisimyento ng CR para sa lalaki, babae, gays at lesbians. Sa ganitong paraan, ayon sa Presidente, makararaos ang lahat nang walang problema.
Minsan nga, nagulat ako nang sa pagpasok ko noon sa isang establisimyento na pang-lalaki (male CR), nakita ko ang isang babae na mahaba ang buhok, may palda, mapula ang labi at nasa harap ng salamin. Maganda siya, pero agad kong naisip na bakla ito o transgender. Nginitian niya ako at sabay kaming dyuminggel nang nakatayo. Walang problema.
Grabe nang talaga ang kriminalidad sa ating bansa. Noong Huwebes, napaulat na tinambangan at muntik nang napatay ang dating kongresista at governor na si Amado Espino Jr. ng Pangasinan. Isa sa kanyang bodyguards ang napatay samantalang dalawa pang security aide niya ang nasugatan. Nangyari ang ambush sa San Carlos City.
Kung si Espino na dating mambabatas, governor at PNP General, ay biktima ng pananambang, ano pa kaya ang ordinaryong mga mamamayan na walang impluwensiya. Halos araw-araw ay nababalitaan natin ang mga pagpatay ng riding-in-tandem (magkaangkas) sa mga lansangan. Bakit hindi ito masugpo ng Philippine National Police (PNP)? May nagtatanong nga kung bakit ang lagi nilang napapatay ay ordinarong pushers at users sa buy-bust operations dahil nanlaban daw.
Kabilang si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na iimbestigahan ng Office of the Ombudsman (OTO) kaugnay ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) anomaly na nagpalaya maging sa heinous crime convicts (HCCs). Si Bato ay naging hepe ng BuCor sa loob ng ilang buwan noong 2018 bago tumakbo sa pagka-senador. Sisilipin ng OTO kung nakapagpalaya rin siya ng HCCs. Isa pang iniimbestigahan ay ang paboritong Marine officer ng ating Pangulo, si ex-BuCor chief Nicanor Faeldon. Abangan natin ang pagsisiyasat ng OTO!
-Bert de Guzman