SA pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Justice, inatasan ng pinuno nito na si Sen. Richard Gordon ang mga opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) na isumite ang listahan ng mga nakapagsilbi na ng kanilang sentensiya na nakalaya na sa ilalim ng Republic Act No. 10592 o Good Conduct Time Allowance Law. Sa listahang isinumite sa komite, 2,160 bilanggo na nakagawa ng karumaldumal na krimen ang nakalaya na mula noong 2014. Pero, isa sa mga ito na nasa listahan ay si Janet Napoles na nasentensiyahan na sa kasong plunder noong Disyembre 2018 kaugnay sa P10-billion pork barrel scam. Siya umano ang utak ng anomalyang ito na ginamit ang mga pekeng non-governemnt organization upang magamit sa pagpapalabas ng mga bahagi ng mga mambabatas sa Priority Development Assistance Fund (PDAF). Kinuha umano ng mga mambabatas ang nailabas na PDAF bilang kickback.
Sa nasabing listahan, pinagsama-sama ang mga convict ayon sa pinanagutang krimen at ang kanilang mga pangalan ay nakahanay ayon sa petsa ng kanilang paglaya. Si Napoles ay pang-275 sa listahan na may kasong rape na na-release noong Nov. 18, 2018 pagkatapos ng kanyang sentensiya. Pero nanatiling nakapiit si Napoles sa kabila ng nilalaman ng listahan na pinalaya na siya. Ang pagkakamali, ayon kay BuCor documents chief, Corrections Staff Sgt. Ramoncito Roque, ay sanhi ng mabilisang paggawa ng listahan. Aniya, “Inatasan kaming gumawa kaagad ng listahan dahil magkakaroon ng press conference sa Palawan. Kaya, nagmamadali itong ginawa.”
Ganito na ba kayang lokohin ang mamamayan? E, sikat na sikat si Napoles. Sa panahong napakainit ang PDAF scam dahil sangkot din dito ang mga mambabatas tulad nina Senador Bong Revilla, Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile, lutang ang pangalan ni Napoles. Siya kasi ang inulat na utak nito. Kung mayroon mang hindi nakakilala o nakarinig sa pangalang Janet Napoles, hindi ang mga opisyal at empleyado ng BuCor. Lalo na nang mapatunayan itong nagkasala ng plunder at parusahan ng habangbuhay na pagkabilanggo. Madikit ang pagkaugnay ng trabaho ng BuCor official at ang pagkabantog ni Napoles, kaya iyong naisama ang kanyang pangalan sa listahan ng mga na-release sa salang rape dahil minadali ang paggawa ng listahan ay maliwanag na palusot lang. Sinadya ang listahan upang mapalaya na si Napoles. Kung hindi nabalita ang nakatakda nang paglaya ni Calauan Mayor Antonio Sanchez at tahimik na lang na tinanggap ito ng taumbayan, baka na sa ibang bansa na si Napoles.
-Ric Valmonte