SI Michelle Dee ang bagong Miss World Philippines.
Ang anak ng dating Miss International Melanie Marquez, ang nagwagi sa nasabing patimpalak na idinaos sa Araneta Coliseum, sa Quezon City, nitong Linggo ng gabi.
Tinalo ng 24-year-old beauty ang iba pang 39 candidates para sa prestihiyosong patimpalak.
Dahil dito, si Michelle ang magiging kinatawan ng Pilipinas para sa 69th Miss World pageant na gaganapin sa London, United Kingdom sa December 14.
Sa much-awaited question-and-answer portion of the contest, tinanong si Michelle kung anong imbensyon mula sa nakalipas na siglo ang dapat na magkaroon ng comeback.
Sagot ng dalaga: “It would probably be polaroid films. I’m an avid lover of art, I love photography and I love the kind of energy and feel that polaroids give me, just being able to lay everything out and go down memory lane is such a different feeling.”
Simula pa lamang sa unang araw ng kompetisyon, itinuring nang crowd favorite ang dalaga na manalo sa pageant. Habang ang kanyang pagsabak sa beauty contest ang isa sa most-awaited moments sa Philippine pageantry para sa mga fans sa nakalipas na dalawang taon.
Una nang napaulat ang pagsabak ng De La Salle University Psychology graduate, sa Bb. Pilipinas ngunit nagdesisyon itong sumabak sa Miss World Philippines.
Ang Miss World ang ikinokonsiderang longest-running beauty pageantsa kasaysayan na nagsimula noong 1951.
Samantala, lima pang kandidata ang pinarangalan sa nasabing pageant, kabilang ang dalawang showbiz personalities.
Wagi si Kapuso star model Kelley Day bilang Miss Eco International Philippines. Siya ang magiging kinatawan ng bansa pata sa international edition ng pageant sa Cairo, Egypt.
Kinoronahan din ang dating FAMAS best child performer, si Isabelle de Leon bilang Miss Multinational Philippines. Sasabak naman siya sa New Delhi, India para sa international competition.
Sa pagbabahagi ni Arnold Vegafria, national director ng Miss World Philippines at Mister World Philippines, nanguna si De Leon sa final question-and-answer segment ng pageant. “The judges were so impressed at her.”
Si Maria Katrina Llegado naman ang nagwagi ng Reina Hispanoamericana Philippines na ang int’l competition ay idaraos sa Bolivia; Glyssa Perez, Miss Philippine Tourism; at Vanessa Mae Walters, law student ng Harvard University, bilang Miss Eco Teen Philippines.
Napunta naman ang First Princess para kay Shannon Christie Kerver; at si Kristi Celyn Banks, para sa Second Princess.
Bukod naman sa titulo, si Michelle rin ang kinilalang Miss Blue Water Day Spa, Miss Myra-E, Miss Best Skin by Cathy Valencia (tied with Day), Miss Bench, at Miss GCOX.
Nakakuha rin ng special awards sina Michelle Thorlund, para sa Miss CAD Smile; Walters, sa Best In Swimsuit; Llegado, sa Miss Photogenic, Best In Evening Gown, at Miss Cabelen, na iginawad ng founder na si Maritel O. Nievera, na isa rin sa mga hurado at si Day, bilang Miss Big Chill.
‘Be yourself’
Bago naman ang coronation night, sinabi ni Melanie na suportado niya ang anak sa national pageant.
“Be yourself and enjoy the competition. I’m giving my 100 percent to my daughter,” pagbabahagi ni 1979 Miss International, nang matanong sa kanyang final advice para sa anak.
Sa una namang pagkakataon bilang alkalde, naging hurado ng nasabing pageant si Manila Mayor Isko Moreno.
Bukod naman kay Yorme, kabilang din sa mga naging hurado sina San Juan Mayor Francis Zamora, former Senator Nikki Coseteng, actors Sunshine Cruz at Raymond Bagatsing, Bryce Ramos, Roselle Monteverde ng Regal Films, Jeffrey Lin, at Nancy Go.
-ROBERT R. REQUINTINA at MARJALEEN RAMOS