TINANGGAP na ng Manila Electric Company (Meralco) nitong Huwebes ang tatlong “best bids” upang matugunan ang limang-taong kinakailangan para sa isang 500-megawatt peaking capacity –ito ang alok na isinumite ng First Gen Hydropower Corp. ng Lopez Group, Phinma Energy Corp. ng Ayala Group, at ang South Premier Power Corp. ng San Miguel Energy Group. Dadaan na ngayon ang mga bid sa isang “post-qualification process,” na susundan ng paglagda sa kasunduan na ihahain sa Energy Regulatory Commission para aprubahan.
Sa kinakailangang kapasidad na ito, sinabi ng Meralco na tinatayang nasa P4.4 bilyon ang matitipid nito para sa magagamit sa loob ng limang taon na mga kontrata, katumbas ng isang rate reduction ng nasa P0,13 per kilowatt-hour para sa mga consumer mula Disyembre 26, 2019. Bilang kapares ng naunang 1,200-MW sourcing, ang kabuuang total cost saving ay inaasahang aabot ng P13.86 bilyon kada taon, na aakyat sa rate reduction na P0.42 per kilowatt-hour.
Ipinatutupad na ng Meralco ang mahigpit na proseso ng pagpili sa pamamagitan ng isang public bidding para sa power supply sa mga susunod na taon. Nitong nakaraang linggo, isang bidding para sa 1,200 megawatts ang idineklarang “failure of bidding” nang dalawa sa inaasahang bidder ang umatras habang ang isa pang interesado ay hindi naman lumantad. Ngunit nitong Huwebes, naging maayos ang daloy ng proseso ng pagpili.
Nagkaroon ng pagtatangka ang Bayan Muna para pigilin ang bidding na itinakda ng Meralco, sa pagsasabing nagkakaroon ng manipulasyon para paboran ang mga kumpanyang pagmamay-ari ng Meralco, sa kabila nito, tumanggi ang Korte Suprema na maglabas ng anumang Temporary Restraining Order (TRO). Dahil dito, tuloy ang maraming nakatakdang bidding ng Meralco.
Siniguro ng Meralco na mahigpit na sumusunod ang proseso ng bidding sa legal na panuntunan na itinakda ng Third Party Bids and Awards Committee. Taliwas sa mga pangamba na maaaring magresulta ang bidding sa mas mataas na bayarin sa kuryente ng mga consumer, sinabi ng Meralco, na nakapaloob sa mga kontrata na nakaatang sa responsibilidad ng mga kumpanya ang isyu ng plant outages. Kinakailangan nilang magbayad ng multa kung hindi sila makapagsu-suplay ng kuryente.
Sa tumataas na industriyalisasyon ng bansa, umaangat din ang pangangailangan para sa kuryente sa mga susunod na buwan at mga taon, kasabay rin ng pagdami ng mga kabahayan sa mga kanayunan ng bansa. Sinabi ni Secretary Alfonso Cusi ng Department of Energy, na mangangailangan din ang bansa ng dagdag na kuryente para sa programang “Build, Build, Build” at pag-angat ng Gross Domestic Power (GDP) sa ilalim ng Philippine Energy Plan (2017 to 2040).
Ang pagtatayo ng mga bagong planta ng kuryente ay isang agarang solusyon upang matugunan ang pangangailangan sa enerhiya ng bansa. “We don’t want to again experience the serious power shortage in the eighties that badly crippled our economy,” ayon sa Meralco. “There is need to trust an open and transparent bidding process, rather than propagate ill will without factual basis. Otherwise, we will not be able to build the generating capacity we need in the short time we have before a full-blown power shortage.”