“IPINANGANGALANDAKAN na niya na siya ay malalagay sa customs bureau at nangongolekta na siya ng pera sa mga taong may kaugnayan sa Customs,” paliwanag ni Pangulong Duterte sa ginawa niyang pagsibak kay Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) Executive Director Jose Antonio Goitia na inanunsiyo niya noong Huwebes ng gabi. “Ang desisyong tanggalin sa pwesto si PRRC chief ay ayon sa kautusan ng Pangulo na sugpuin ang graft ang corruption at siguruhin sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na umasal sa paraang mapapagkatiwalaan sila ng publiko,” ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Ano lang ba itong nagawa ni Chief Goitia kung ihahambing sa mga nagawa ng ibang opisyal ng gobyerno, tulad ni Nicanor Faeldon? Nang si Faeldon ay Customs Bureau chief, gumawa ito ng paraan upang mapabilis ang labas ng mga kargamento sa customs. Kaya sa ginawa niyang green lane, nagpuslitan ang mga malaki at mahalagang kargamento nang walang kahirap-hirap. Dahil hindi na nererekisa ang mga ito, maluwag na nakalabas ang mga kargamento na nagdaan sa ilalim ng kanyang “Tara system,” na bawat kargamento ay nagbabayad ng tara o tong. Dahil dito, nakalusot ang 6.4 bilyong halaga ng shabu na sa pagkakaalam ng publiko ay ito ang pinakamalaking nasabat na droga sa panahon na napakabagsik na pagpapairal ng war on drugs ng Pangulo. Tinanggal si Faeldon sa pwesto sa kanyang pagtugon sa galit ng sambayanan dahil marami nang pinatay ang war on drugs ng Pangulo, pero mayroon pang nakapapasok na droga. Palihim na inilipat ng Pangulo sa Department of National Defense hanggang sa gawin na niya itong Bureau of Corrections (Bucor) chief.

Dahil din sa galit ng mamamayan, napilitan din alisin ng Pangulo si Faeldon sa Bucor dahil daw sa hindi sinunod ang kanyang utos na huwag palayain ang mga bilanggo sa pagpapairal ng Good Conduct Time Allowance Law (GCTA). Eh, nakatakda pa lang lalaya na noon si Calauan Mayor Antonio Sanchez. Bumulaga ngayon sa taumbayan ang lahat ng anomalyang pwedeng pagkakitaan ng milyon-milyong piso. For sale ang GCTA, ang pagpapaospital at pagtira rito ng mga inmates at ang masama, lumalabas na dito nangyayari ang illegal drug trade. Tumambad sa taumbayan ang mga high-profile inmates, tulad ng mga sangkot sa panggagahasa at pagpatay sa mga Chiong sisters na nakalaya na at lalaya pa sana tulad ni Janet Napoles, na nakaapela pa ang kanyang kasong plunder, pero nasa listahan ng lalaya na ang kaso niya ay rape. Ang pagpeke ng kanyang kaso ay ginawa dahil hindi pa pwedeng makinabang sa GCTA dahil nakaapela pa ang kanyang talagang kaso.

Hindi ko sinasabing hindi masama ang ginawa ni Goitia. Pero ang sabihin ni Panelo na sinibak ito ng Pangulo dahil determinado itong supilin ang graft and corruption, masyado nang iniinsulto ang taumbayan na parang wala na silang kakayahang magisip at kilalanin ang katotohanan sa kasinungalingan.

-Ric Valmonte