Halatadong nainis si Albay Rep. Joey Salceda sa hindi pagkakasundo ng mga opisyal ng gabinete sa talakayan kamakailan sa House Ways and Means Committee na pinamamatnugutan niya, kaugnay sa ‘Corporate In-come Tax and Incentive Rationalization Act’ at maliwanag niyang sinabi ang kanyang saloobin.
“Naniniwala akong tapat kayo, ngunit huwag naman ninyong gawing labanan ang Kamara sa hindi ninyo pagkakasundo, at huwag naman ninyo kaming gamiting kasangkapan sa inyong away, dahil iisang Pangulo lang ang inyong pinaglilingkuran,” sabi niya.
Inamuki niya ang mga opisyal ng gabinete liwanagin muna sa Pangulo ang kanilang mga isyu, magkasundo sila, “at huwag gamitin ang Kamara sa kanilang labanan na nagbibigay kalituhan sa publiko, dumidiskaril sa gawain ng mga mambabatas ang nagbibigay duda sa mga mamumuhunan.”
Ikalawang ‘package’ ang CITIRA ng ‘Comprehensive Tax Reform Program’ ng administrasyon. Layunin nitong ibaba sa 20% mula 30% ang ‘corporate income tax rate’ ng halos isang milyong korporasyon sa bansa, at isaayos ang mga insentibo para sa 4,100 mga kumpanyang nagbabayad lamang ng 5%. Itinalaga ng Pangulo ang CITIRA bilang tugon sa away sa negosyo ng China at USA. Inendorso niya ito sa Kongreso sa nakaraang dalawang SONA niya.
Tinatayang lilikha ng mga 1.566 milyong makabuluhang trabaho ang CITIRA at aambag ito ng 3.6% sa taunang paglaki ng GDP ng bansa. Muling naantala ang pagpasa nito ng Kamara dahil sa ilang amyenda at hindi pagkakasundo ng ilang opisyal ng gabinete.
“Nakikiusap ako sa ating gabinete na magkasundo muna kayo sa inyong mga isyu na dapat liwanagin muna sa Pangulo. Kayo ang lumilito sa publiko, nagbibigay ng maling pahiwatig, dumideskaril sa trabaho ng mga mambabatas ang lumilikha ng duda sa isipan ng mga mamumuhunan,” diretsahan niyang sinabi.
Akda ni Salceda ang CITIRA sa pakikipagtulongan ng Department of Finance, dumaan sa malawakang pag-aaral na ginamitan pa ng “best data science and analytics, and simulations,” ipinasa ito ng Kamara noong ika-17 Kongreso ngunit hindi naipasa ng Senado. Tatlong ‘House Ways and Means chairpersons’ na ang pinagdaanan nito – sina Dax Cua ng Quirino, Estelita Suansing ng Nueva Ecija, at ngayon, si Salceda. Sa wakas ipinasa ito ng Kamara noong Martes.
Sa ilalim ng CITIRA, 100% babawasin sa buwis ng mga korporasyon ang gastos nila sa ‘research and development,’ pagsasanay sa mga manggagawa, at imprastraktura tungo sa kanilang planta. Kung hihirang ng mga manggagawang lokal at gagamit ng mga lokal sa sangkap, dagdag na 50% itong babawasin sa buwis.
-Johnny Dayang