“MAY isyu na may mga bilanggo na hindi ko ipinapiit sa Muntinlupa penitentiary. Ipinalipat ko sila sa Marines. Bakit? Kasi, nangangamba akong may mga naiwan pang kaalyado si De Lima at baka iyong mga tumestigo laban sa kanya ay mapatay.
Baka dumating na ang oras, wala nang magsasalita ng katotohanan,” wika ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa Barangay Inoburan, Naga City, Cebu, sa groundbreaking ceremon para sa housing project para sa mga biktima ng landslide noong nakaraang taon. Naging isyu ito nang inaalam na kung sinu-sino ang napalaya sa National Bilibid Prison (NBP) sa maanomalyang pagpapairal ni dating Bureau of Corrections chief Nicanor Faeldon ng Good Conduct Time Allowance Law. Bukod doon sa mga napalaya na, nadiskubre na may mga presong nakapiit sa Philippine Marines Headquarter na dati ay nasa NBP. Ang mga ito ay ang high-profile prisoners na tumestigo laban kay Sen. De Lima sa pagdinig na ginawa ng Kamara noong Setyembre 20, 2016 hinggil sa paglaganap ng droga sa NBP. Sila ay sina convicted gang leader at drug lord Herbert “Amapang” Colanggo, dating Philippine National Police Chief Inspector Rodolfo Magleo, Noel Martinez, Jojo Baligad, Froilan “Popoy” Trestiz at Hans Anton Tan na pawang mga nasa NBP maximum security compound.
“Ang paglipat ng kanilang piitan ay para mapangalagaan ang kanilang seguridad. Ito ay tulad din ng witness protection program,” depensa ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo. Hindi lang ito hindi pangkaraniwan kundi hindi rin ito nararapat, ayon kay Sen. Ping Lacson. Aniya, pribilehiyo ito. Bakit nga naman hindi, eh dating nakakulong ang mga presong ito sa maximum security compound ng NBP kung saan miserable ang buhay rito. Pagkatapos nilang tumestigo laban kay Sen. De Lima, inilipat sila sa Philippine Marines Headquarters na napakaluwag gumalaw at mabuhay sa dami ng pribilehiyo. Animo’y hindi ka nakakulong dito at nagdurusa dahil sa nagawa mong pagkakasala. Kaya, naitanong tuloy ni Senate Minority Floor Leader Franklin Drilon kung ang paglipat ng mga preso sa Marines Headquarters ay pinahintulutan ng korte. Kung may kasunduan ang BuCor at ang Philippine Marines na ang headquarter nito ay gawing bahagi ng piitan ng BuCor, hindi na kailangan pa ang pahintulot ng korte, ayon kay Justice Secretary Menardo Gueverra, bagamat sinabi niya noong una na kailangan ang permiso nito.
Pero, higit akong naniniwala sa dahilan na sinabi ni Sen. De Lima hinggil sa paglipat ng mga maximum security prisoner na tumetestigo laban sa kanya sa Philippine Marines Headquarters. Wika niya: “Inilipat ang mga convict upang madaling makontrol sila ng Pangulo at ng kanyang mga kaalyado, o kaya, para matakot at mapressure silang ipitin ako.” Hindi kaya ganito rin ang layunin ng Pangulo kung bakit ayaw niyang bitawan si Faeldon? Sa kabila ng mga mabigat na problemang ibinigay nito sa kanyang administrasyon, kinalinga pa niya at itinuring na isa itong “upright” at “honest” man. Marahil may tangan na alas si Faeldon laban sa Pangulo.
-Ric Valmonte