Tatlong taon na rin matapos humingi ng emergency powers ang administrasyong Duterte upang maresolba ang problema sa trapiko ng Metro Manila, ngunit sa kasalukuyan, pinagdedebatihan pa rin ang isyu at mukhang hindi pa ito mareresolba.
Sa pinakahuling pagdinig ng Senate Committee on Public Services nitong Martes, inihayag ni Senator Grace Poe, committee chairman, na hindi na kailangan ang emergency powers dahil sapat naman ang mga kasalukuyang batas. “There are alternative modes of procurement that are allowed under existing laws,” pahayag ng Senadora. “Our trains do not need emergency powers to acquire.”
Sinalag naman ito ni Secretary of Transportation Arthur Tugade at sinabing maaari pang mapabilis ang procurement kapag may emergency powers. Sa tulong nito, makakagawa agad ang gobyerno ng mga polisiya na karaniwang mangangailangan pa ng pagbabago sa kasalukuyang mga batas at ordinansa.
Kasabay ng pagdinig, inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na hihilingin pa ang emergency powers upang maayos ang problema sa trapiko. Nauna nang nagsabi ang pangulo na mareresolba ang problema sa Disyembre, at kakayanin sa loob ng 5 minuto na bumiyahe mula Ayala Avenue sa Makati hanggang sa Cubao, Quezon City, mas mabilis kumpara sa kasalukuyang isang oras na biyahe.
Anong mangyayari?
Setyembre na ngayon at alam na alam nating malala ang trapik sa panahong ito habang papalapit ang Pasko.
Samantala, sinabi ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na nasa 405,882 sasakyan ang dumadaan sa EDSA kada araw noong Agosto ngayong taon, mas mataas ng 22,074 kumpara sa 383,828 lang noong kaparehas na buwan ng nakaraang taon.
Sumubok na ang MMDA ng iba’t ibang paraan upang maresolba ang problema sa trapik, kasama na diyan ang planong i-ban ang mga provincial buses mula sa mga kalsada ng Metro Manila, ngunit mukhang lumalabas na walang awtoridad ang ahensya para dito. Marami ring ahensya ng gobyerno, tulad ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Commission (LTC), at ang napakaraming mga Local Government Units (LGUs) sa Metro Manila, na hindi pwedeng kuhaan ng trabaho ng MMDA.
Marahil, pwede itong maisantabi bilang pabor sa isang namumunong awtoridad na maaaring buuin kung mayroong emergency powers. Ngunit, may mga pangamba rin na baka abusuhin ang emergency powers. Dahil iyon ang katangian ng emergency powers – katulad ng martial law. Maaari itong abusuhin kapag iniangat na ang mga limitasyon na inilatag ng mga sistema ng batas na pinagtibay ilang taon na ang nakararaan.
Iminungkahi ni Senator Poe na sa halip ng emergency powers ay kailangan lamang ng pamahalaan ang isang master plan na lulutas sa problema ng trapiko, isang master plan na may mga hakbang na dapat gawin, kaysa isang namumunong awtoridad sa emergency powers na maaaring maaabuso. Bawat item sa master plan ay siya ngayong pag-aaralan, aanalisahin, pupunahin at maaaring baguhin sa isang malayang diskusyon sa Senado o iba pang pagpupulong.
Mismong si Duterte na ang sumuko sa “emergency powers.” Mukhang “master plan” na nga ang sagot. . Pareho lamang ito, isang kagila-gilalas na plano na mayroong kinakailangang pondo at kapangyarihan, ngunit walang pangamba na inilalarawang “emergency.”