SA nagpapatuloy na trade war sa pagitan ng United States at China, maraming kumpanya ng China ang nagsimulang maglipat ng kanilang operasyon sa Vietnam, Thailand at Cambodia—ngunit hindi sa Pilipinas, ibinahagi ngayong linggo ni General Charito Plaza ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA), bilang pagbanggit sa ulat ng World Bank.
Sa Indonesia, ganito rin ang naobserbahan ni President Joko Widodo hinggil sa ulat ng World Bank sa mga naglilipatang kumpanya ng China. Aniya, nasa 33 kumpanyang Chinese ang lumibat sa mga kalapit na bansa, 23 ang nagtungo sa Vietnam, at sampo sa Malaysia, Thailand at Cambodia. Tinanong niya ang mga ministro, kung bakit walang ni isa mang nagtungo sa Indonesia.
Sa kaso ng Pilipinas, sinabi ni PEZA Director General Plaza, na hindi nakaaakit ang bansa ng mga kumpanyang Chinese dahil higit na may maunlad na high-tech zones ang ibang mga bansa. Sa katunayan, aniya, maaaring mawalan kalaunan ang Philippine economic zones ng maraming kumpanya dahil sa walang katiyakan na mga polisiya at batas sa pamumuhunan. Hinihintay ngayon nila ang kahihinatnan ng pagsisikap ng pamahalaan ng Pilipinas para bawiin o bawasan ang maraming insentibo na iginawad ng dating administrasyon.
Ang hakbang na ito ay nasa panukalang-batas na dating tinatawag na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) 2. Ang TRAIN 1 ang batas na pinagtibay noong 2017 na nagpapataw ng taripa sa diesel at iba pang produktong petrolyo, na isang malaking salik sa naganap na pasirit ng inflation noong nakaraang taon.
Kalaunan pinalitan ng pamahalaan ang tawag sa TRAIN 2 para sa layuning higit itong maging kaakit-akit—ang “Tax Reform for Attracting Better and Quality Opportunities” (TRABAHO), lalo na’t maaalala ang TRAIN 1 sa nanalasang inflation noong 2018. Gayunman, muling pinalitan ng tawag ang TRABAHO at pinangalanang Corporate Income Tax and Incentives Rationalization Act (CITIRA).
Ngunit hindi naman maitatago ng pagpapalit ng pangalan ang katotohanan na iminumungkahi nito ang pagtatanggal ng maraming buwis at iba pang insentibo na dating iniaalok ng pamahalaan upang makaakit ng maraming dayuhang kumpanya sa mga nakalipas na taon. Ang panukalang ito ang nagbibigay ng pangamba sa mga kumpanya. Ilang kumpanya ang nagdesisyong ipagpaliban na ang planong pagpapalawak habang hinihintay ang bagong batas, ayon kay General Plaza. “Industries feel we have unstable investment policies and laws. They are scared to expand if we keep on changing the rules in the middle of the game.”
Isinusulong niya ngayon ang ‘exemption’ ng mga kumpanyang rehistrado sa PEZA mula sa CITIRA. “We are not the only game in town,” binigyang-diin ni Plaza. “Philippine economic zones are competing with the countries with far more developed ecozones.”
Malaking salik ang TRAIN 1 sa pagsirit ng presyo noong 2018, ito’y sa kabila ng paggigiit ng mga economic managers ng bansa na dapat itong isisi sa pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis at manipulasyon ng presyo. Maaaring walang gaanong epekto ang TRAIN 2 o TRABAHO o CITIRA sa presyo, ngunit maaari naman itong magdulot ng pagkawala ng maraming trabaho sa posibleng paglipat ng maraming dayuhang kumpanya sa ibang mga bansa na nag-aalok ng mas magandang insentibo na inaalis ngayon ng ating pamahalaan. Sa pagtatapos nitong 2017, tumanggap ang mga kumpanya ng PEZA, ng nasa 1,417, 832 Pilipinong manggagawa.