NASUKAT ang kahandaan ng Philippine archery team sa darating na 30th Southeast Asian Games sa pagsabak ng Nationals sa Asia Cup Leg 3 men’s and women’s compound tournament sa Clark Pampanga.
Nagpakitang gilas ang mga pambato ng national team na sina Paul Marton Dela Cruz at Andrea Robles matapos na makapasok sa final round, Si Dela Cruz, na siyang unang pambato ng Pilipinas para sa nasabing sport ay nagwagi kina Australian 14th seed Hassy Sfar, 145-139, at 6th seed Jersey Liu, 146-141 at agad na binigo ang 2nd seed na si Sharizan Jafar ng Malaysia, 146-143, sa semifinal round.
Target niyang maduplika ang gold medal performance noong nakaraang taon sa Asia Cup kung saan host din ang bansa na ginanap sa Rizal baseball field.
Haharapin ni Dela Cruz si top seed Mohd Juwalsi Mazuki ng Malaysia, nagwagi laban kay Pinoy bet Johan Olano, 149-142, sa gold medal round.
Umabante rin si Andrea Robles nang biguin ang kababayang si Rachelle Ann Dela Cruz sa semis, 144-140.
Unang pinataob ni Robles ang 10th seed na si Contezza Loh Tze Chieh ng Singapore, 144-135, bago sinundan ng kanyang pagtalo kay 15th seed Ting Wang Yi ng Chinese Taipeh, 145-144.
Makakaharap naman ng 21-anyos na si Robles si 4th seed Norazam Imam Alayah ng Malaysia, nagwagi kay 5th seed Mohd Azmi Nuruk Shazhera, 143-138.
"As much as possible we would have wanted to have good results. But as of now, i can only assure you that we will win medal. As to the classification wheteher it's gold, silver or bronze, hindi ko muna sasabihin," pahayag ni coach Clint Sayo.
Bukod kina Dela Cruz at Robles, ibabandera din ng Pilipinas sa SEA Games si Youth Olympic Games gold medal winner Gabriel Moreno, kasama ang Olympian na si Jennifer Chan. Annie Abad