MAY mga pinsan at pamangkin ako na bahagi ng LGBTQ+. Hindi ko ikinahihiya ang kanilang pagkilos at pananaw sa sariling pagkatao. Respeto at unawa ang pinapairal ko sa hanay ng mga noon ay binansagang tomboy, syoke, na naging lesbian, gay, sa Batangas ay “binabae”, o bakla, na uminog sa makabagong “trans,” na kahit anong salita sa Ingles, maaaring ikabit.
Madamdamin ang pondahan sa isyu ng “sexual orientation at gender identity.” Kilusan ito ng lumalawak na pananaw sa mundo (o ideolohiya kaya?) na nais isulong ang pagkakaroon ng pangatlo, pang-apat, at iba pang kasarian batay sa sariling isip, damdamin at hilig. Andyan ang mga salita o mga katagang “walang masama sa pagpapakatotoo,” true love, o equality sa bandila ng bahaghari. Ito ang mga konsepto na tinalakay ko dati sa aking programa sa telebisyon (GNN Destiny Cable sa Republika) ilang taon na ang nagdaan. Dalawang abogado (University of Asia & Pacific at Ladlad) na nakapag-aral sa abroad ang nag-debate. Nasagi sa talastasan nila ang isyu sa pag-gamit ng C.R., maggayak sa trabaho, paaralan at iba pa, na ayon sa “gender identity,” pati make-up/gupit, atkasalan. Dito nagka-sagupaan ang mga “karapatan” ng bawa’t tao, at alin ang matimbang at praktikal. Ilang “gender” ba ang kinikilala ng ating batas? Dalawa o marami? Sa kasal? Ano ang isinasaad sa Saligang Batas tungkol sa pamilya? Pananagutan ng magulang sa mga anak? Religious rights? May karapatan ba ang mga ipinanganak na babae at lalaki, hindi umayon papasukin sa kinagisnang CR ang mga LGBTQ+? May karapatan ba ang pribadong employer, kumpanya, pamantasan, atbp. gumawa ng mga alituntunin hinggil sa pagpapalakad ng sarili nilang pamumuhunan o samahan? Halimbawa sa bangko, “pleasing personality” at konserbatibong pananamit? May karapatan ba ang LGBTQ+ na ipilit ang lantarang bihis o imahe na ayon sa kagustuhan, sa pag-apply sa korporasyon, lupon, kolehiyo? Sa pagpa-pari? Pagma-madre? Lifestyle ba o gender ang LGBTQ+? Kung babaguhin natin diwa/batas ng kasal, ano masasabi mo sa “tunay” na pag-iibigan at kasalang tatluhan, apatan? O tulad sa ibayong-dagat, tao kasal sa hayop?
-Erik Espina