NOONG Lunes, nalathala sa mga pahayagan, nai-broadcast sa radyo at TV na posibleng bigyan ng bagong puwesto sa gobyerno si ex-Bureau of Correction (BuCor) Nicanor Faeldon na pinalakol ni Pres. Rodrigo Roa Duterte dahil sa isyu ng pagpapalaya sa mga heinous crime convict (HCC) sa bisa ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Sa pangunahing istorya ng BALITA ganito ang nakasaad: “4th position kay Faeldon?” Sa itaas ng balita “Si Digong magpapasiya- -Panelo.” Sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo na maaaring hiranging muli ni PRRD si Faeldon sa ibang puwesto kung gusto niya.
Dati nang hinirang ni Mano Digong si Faeldon noon sa Bureau of Customs (BuCus), Office of Civil Defense (OCD) at nitong huli ay sa BuCor. Kung matutuloy, ano kayang puwesto ang ibibigay sa kanya?
Nag-resign siya sa BuCor nang sumambulat ang isyu ng smuggling ng P6.4 bilyong shabu na natagpuan ng mga awtoridad sa isang bodega sa Valenzuela City. Nagdududa at nagalit din ang mga tao noon dahil nakalusot ang bilyun-bilyong pisong halaga ng shabu sa BuCor nang hindi raw nalalaman ng hepe nito. Inilipat siya ng Pangulo sa OCD at pagkatapos ay sa BuCor.
Batay sa balita ng BALITA noong Lunes, nakadepende umano kay PDu30 kung muling bibigyan ng posisyon ang paboritong Marine officer. Sinibak nga ng Presidente si Mang Kanor (Faeldon) noong nakaraang Biyernes, pero agad niyang sinabi na buo pa ang tiwala niya rito. “Matino siyang tao,” yan ang deskripsiyon ng Pangulo.
Pinalakol ni PRRD si Faeldon, ayon kay Panelo, hindi dahil sangkot siya sa anomalya sa GCTA law kundi dahil sa pagsuway sa utos niyang itigil ang pagpapalaya sa heinous crime convicts, tulad ng tatlong convicted sa panggagahasa-pagpatay sa magkapatid na Chiong sa Cebu City, at sa muntik nang paglaya ni rapist-killer ex-Calauan Mayor Antonio Sanchez kundi sumingaw ito sa media.
Ayon kay Spox Panelo, sinibak ang Marine captain sa BuCor hindi dahil corrupt ito kundi dahil sa pagsuway sa Pangulo. Sabi ng kaibigan kong palabiro-sarkastiko-pilosopo: “Eh ‘di lalong grabe ang kasalanan ni Mang Kanor dahil sinusuway pala niya ang Pangulo.” Sabad naman ni senior-jogger: “Kung nasusuway niya ang Pangulo, papaano siya ituturing na matino o mabuting tao?’.
Pahayag ni Panelo, dating abugado ni Sanchez at abugado rin noon ng mga Ampatuan na akusado sa Maguindanao massacre na ikinamatay ng maraming tao, kabilang ang 32 media people: “The president fired him because of not following his order. In other words, sinasabi niya sa tao na fina-fire ko yan dahil hindi niya ako sinusunod, hindi dahil sa corruption. Yun ang punto ni Presidente.”
Apat na obispo ng Simbahang Katoliko (hindi katolika) na akusado sa sedition case kasama sina Vice Pres. Leni Robredo at ex-Sen. Antonio Trillanes, ang nagpahayag na ang Katotohanan ang magpapalaya sa kanila (The truth shall set us free). Sila ay sina Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, Cubao Bishop Honesto Ongtioco at retired Novaliches Bishop Teodoro Bacani.
-Bert de Guzman