SA loob ng halos apat na dekada ko bilang mamamahayag, wala akong natatandaan na matinding pag-atake sa mga tanggapan ng media – maliban na lamang nang ipasara ang mga ito noong Setyembre 21, 1972 nang ipairal ang martial law— na maihahambing sa inabot ng planta ng Abante News Group sa Parañaque City, nito lamang Lunes ng madaling araw, nang pasukin at sunugin ng apat na maskaradong lalaki ang mga makinang pang-imprenta rito.
Grabe! sobrang tapang at lakas ng loob ng mga lalaking ito para umatake ng madaling araw, gayung maraming trabahador pa ang nasa planta, dahil oras iyon ng paglabas at distribution ng mga naimprentang kopya ng tabloid, na isa sa masasabi ko na may malawak din na sirkulasyon, kagaya ng hawak-hawak at binabasa ninyo ngayon na pahayagang Balita.
Sa aking pananaw, ‘di naman anti-administrasyon ang Abante upang pag-isipan at planuhin na gawan ng ganitong klase ng pag-atake ng mga “diehard” supporter ng administrasyong ito, na sobrang nagagalit sa main stream media kapag nababatikos ang LODI nilang si Pangulong Rodrigo R. Duterte.
Wala rin akong na-monitor – o baka naman ‘di ko lang nabasa— na matinding binanatan ng tabloid na ito na mga taga-oposisyon, na nagpapataas ng todo sa altapresyon ng mga ito, para pagplanuhan ang Abante ng ganitong uri ng pagsalakay.
Ganun pa man, mariing kinondena ng pamunuan ng Abante News Groupang ginawang pag-atake at pagsunog ng apat na armadong lalaki sa planta ng nasabing pahayagan.
“The management and staff of Abante and Tonite condemn this dastardly attack, the first violent act against our group and its facilities since 1987. We will not be cowed by this attempt to strike fear into our reporters, editors and staff. Our commitment to hard-hitting journalism remains unshaken,” pahayag ni Abante Managing Editor Fernando Jadulco.
Sa bagay na ito, isa lamang ang naglalaro sa isipan ko na maaaring gumawa nito – mga pribadong tao na nakanti sa ilang artikulo na lumabas dito, na sa pakiramdam ng mga ito ay sumira sa kanilang pangalan, negosyo at pagkatao. Maraming ganyan na pribadong indibidwal sa ngayon na sobrang mapagtanim kapag ang ego nila ang nasasaring.
Mas malaki ang duda ko sa ang mga pribadong indibiduwal na makagawa ng ganitong krimen, kumpara sa mga taong gobyerno na ‘di basta-basta makakikilos ng masama dahil ang mata ng lahat ng media ay naka-sentro sa kanila.
Kadalasan na rin, batay sa mga naging karanasan ko bilang police reporter sa mahabang panahon, ang ganitong uri ng pag-atake sa media ay palaging naka-sentro lamang sa mamamahayag na sumulat sa kritikal na artikulo, at hindi sa buong news group na naglabas ng nakasisirang lathalain sa kanilang reputasyon.
Ala-una ng madaling araw nang pasukin ng mga maskaradong suspek na may bitbit na galon ng gasoline, na ginamit ng mga ito sa pagsunog sa ilang mga makina at nakaimbak na mga supply na gamit sa pang-imprenta. Tapos ang pag-atake sa loob lamang ng limang minuto, at dalawang empleyado ng Abante ang nasugatan dahil sa pangyayari.
Maagap naman ang pagresponde ng Parañaque Fire Station kaya’t naiwasan ang mas matinding pinsala sa mga makina at mga supply sa planta.
Dumating din agad ang mga imbestigador ng pulis mula sa National Capital Regional Police Office (NCRPO) upang imbestigahan ang pangyayari.
Sa palagay ko, ang isa sa mga dapat ding pagtuunan ng pansin o kalkalin ng mga imbestigador, ay kung mayroon nakatagong personal na kagalit ang ilang reporter, editor o pinuno ng pahayagan, na maaaring pagmulan ng sobrang galit upang pagplanuhan ng ganito, idinamay pati na ang buong opisina, para makaganti sa kung ano mang atraso sa kanila na hindi naman konektado sa pamamahayag.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.