KAILANGAN ba ang ‘passion’ para magtagumpay sa negosyo? Tila isang simple lamang itong katanungan na may simpleng kasagutan. Siyempre, hindi ka magtatagumpay kung hindi ka ‘passionate.’ Gayunman, higit na komplikado ang kasagutan dito. Sa katanuyan, isang pagkakamali na ipagpalagay na tanging ‘passion’ lamang ang magbibigay sa iyo ng tagumpay bilang isang negosyante.
Huwag mo akong husgahan. Mahal ko ang mga ‘passionate’ na tao. Lahat tayo ay nagbibigay ng matinding pagpapahalaga sa isang bagay sa isang punto ng ating buhay. Ngunit ang pagsasalin nito sa tagumpay ng isang negosyo ay ibang istorya.
Binibigyang kahulugan ang ‘passion,’ bilang “strong and barely controllable emotion” o “something that you are strongly interested in and enjoy.” Kaya naman ang ‘passion’ ang nagpapaliwanag kung bakit nag-aaway ang mga tao sa isang laro sa basketball at ang kanilang paboritong koponan. O kung bakit may ilan na handang maghintay sa pila ng ilang oras para sa isang pelikula o pagbubukas ng isang tindahan para makabili ng pinakabagong gadget.
Ito ang dahilan kung bakit madalas nating sabihin sa ibang tao na “find your passion” o, kung bibigyan ng mas matinding paglalarawan, “find something worth dying for.” Marahil ay mas kaugnay ito ng “Passion of Jesus Christ” kumpara sa anumang bagay.
Gayunman, ang pagbibigay ng payo sa mga kabataan na hanapin ang kanilang ‘passion’ ay nararapat na may kaakibat na ilang patnubay kung paano ito gagamitin. Ang isang ‘passion’ na walang rason, walang plano, tamang pag-unawa, tiyaga at pagsisikap ay isang mapanganib na bagay.
Sa pagnenegosyo, iniisip ng ilan na dahil sa lubos nilang pagmamahal sa mga sasakyan ay magtatagumpay sila kung magbubukas sila ng isang car shop. O kung gusto nila ang pagluluto, maaari na silang magbukas ng isang restawran. Kahanga-hanga ito. Ako na ang mangunguna na hikayatin ang mga tao na pumasok sa pagnenegosyo. Ngunit siguraduhing handa ka sa mga pagsubok higit sa iyong passion.
Maaaring nag-uumapaw ang kagustuhan mo sa pagluluto ngunit kung hindi mo nauunawaan ang komplikasyon ng pagtatayo ng isang restawran—ang puhunang kailangan, pagkuha ng tamang grupo, pagpe-presyo ng tama sa menu, at iba pa—hindi malayo na bumigay ka.
Ang iyong ‘passion’ ay dapat na makatindig sa kabila ng mga pagkabigo. Ayon sa Harvard Business Review, ang isang unang beses sa pagnenegosyo ay may maliiit lamang na 18 porsiyento tiyansa na magtagumpay. Isipin mo—walo sa bawat sampung tao na nagsisimula sa negosyo ay nabibigo sa unang subok. Ngunit nabanggit din sa pag-aaral na ito, na habang nagpupursigi ang isang negosyante, tumataas sa 30% ang kanyang tiyansa na magtagumpay.
Dapat ding magtulak ang iyong passion upang higit kang magsikap. Hindi isang masayang bagay ang pagsisimula ng negosyo. Praktikal na kailangang mong magtrabaho 24/7. Minsan kahit matutulog ka na trabaho pa rin ang nasa isip mo.
Ito ang mga dahilan kung bakit ang aking mantra sa tagumpay ng isang negosyo ay hindi tungkol sa ‘passion’—ito ang sipag at tiyaga. Malaking bagay kung may ‘passion’ ka sa isang bagay. Humayo ka at pagyamanin mo ito. Abutin mo. Ngunit sa puntong magdesisyon kang gumawa ng negosyo mula rito, siguraduhin mong kargado ka ng iba pang mga kaalaman at kaugalian na magpapanatili sa iyong ‘passion.’
Isa pang bagay—ang labis na kagustuhan sa isang bagay ay sumasakop sa tao. Ang labis na emosyon para sa isang bagay ay palaging masama. Kung labis ang iyong kagustuhan sa isang bagay, huwag mong hayaang lamunin ka nito. Huwag mong kalimutan na may iba ka pang aspekto ng buhay na kailangan din para mabuhay. Huwag mong kalimutan ang iyong pamilya at kaibigan.
Nagtatrabaho ako ng 24/7. Ngunit sinisiguro kong magsasalo-salo ang aking pamilya sa isang pananghalian tuwing Linggo. Pinag-kukuwentuhan namin ang nangyayari sa bawat isa. At tuwing gabi ng Linggo, nagmo-movie date kami ng aking asawa. Minsan sa gitna ng abalang trabaho, magkakape ako kasama si Camille, o tatawagan ko si Mark at makikipagkuwentuhan kay Paolo.
Kung nakaliligtaan mo ang iyong mga mahal sa buhay, para sa’n pa ang pagiging ‘passionate’ sa anumang bagay?
-Manny Villar