IPINAHAYAG ng National Basketball League (NBL) na pinatawan ng ‘lifetime ban’ si Iriga City Oragons head coach Pablo Lucas bunsod nang panununtok sa spectator sa naganap na kaguluhan sa quarterfinal match kontra Taguig nitong Linggo sa Hagonoy Sports Complex.
Sa isinagawang imbestigasyon ng NBL, kabilang si Lucas na nakunan ng video na nanununtok ng spectator matapos magkagulo may 3:49 ang nalalabi sa final period ng laro sa pagitan ng Oaragons at Generals kung saan tangan ng huli ang bentahe sa 72-67.
Ipinag-utos ng NBL na ituloy ang naudlot na laro sa Huwebes, ganap na 6:00 ng gabi (closed-door) sa Philippine Army Gym. Tangan ng Taguig ang twice-to-beat advantage kontra Iriga City sa quarterfinal series. Ang magwawagi ay haharap sa reigning champion Paranaque Aces.
“This is a clear violation of existing rules that coaches are not allowed to leave the playing court without distinct authorization from NBL officials. Violence, is in no way tolerated by our organization,” pahayag sa NBL memo na may lagda ni NBL chairman/president Celso Mercado.
“Effective immediately, Head Coach Pablo Lucas is hereby slapped with a lifetime ban on all NBL related games and activities. He shall also not be permitted any access to venues sanctioned by NBL,” aniya.