GANITO ang text message sa akin ng isang kaibigan: “Inalis ang GMRC (Good Manner and Right Conduct) sa paaralan. Nagkaroon naman ng GCTA (Good Conduct Time Allowance) ang Bureau of Corrections (BuCor). Resulta: Nawalan ng modo ang mga bata (nagmumura tulad ng ilang lider ng bansa) samantalang ang mga bilanggo na convicted sa heinous crimes ay nakalaya!
Tumpak si kaibigan. Bakit nga naman inalis ang GMRC na nagtuturo ng magandang asal at tamang pag-uugali sa mga mag-aaral upang paglaki nila ay maging mabuting mamamayan at may respeto sa lipunang-Pilipino?
Nagka-GCTA ang mga preso sa BuCor kung kaya ang mga nakagawa ng kasuklam-suklam na krimen, gaya ng panggagahasa-pagpatay sa isang bata, ay puwedeng palayain nang maaga kaysa bunuin ang 40 taong sentensiya.
Nang dahil sa GCTA na isinabatas ng Kongreso na ang tunay na layunin ay makabubuti sa mga presong nagbabago subalit sinalaula ng ilang bulok na opisyal ng BuCor, muntik nang makalaya ang rapist-murderer na si ex-Calauan Mayor Antonio Sanchez. Aba, kung hindi sa pag-iingay at pagbubunyag ng media, baka malaya na ngayon ang gumahasa at pumatay kay Eileen Sarmento at pumatay rin sa kaibigang Allan Gomez, kapwa estudyante sa UP Los Baños.
Sa banner story ng BALITA noong Sabado, ganito ang nakasulat: “GCTA for Sale”. Sa itaas ng balita ay nakasaad ang “Ibinisto ng testigo.” Samakatwid, ang magandang layunin ng GCTA ay binabaluktot ng mga tiwali at gahaman sa perang mga opisyal ng BuCor kasabwat ang mayayamang preso na convicted sa heinous crimes.
Sa pangunahing balita naman ng isang English broadsheet, nagdudumilat din ang titulo na; “GCTA for sale bared.” Sa drop head ay nakasulat ang: “BuCor group asking up to P1.5 M for good conduct.” Inaasahang marami pang testigo ang lulutang sa umiiral umanong racket sa New Bilibid Prison (NBP) kasunod ng pagbubunyag na may mga convict ang pinalalaya kapalit ng malaking halaga ng pera.
Isang testigo, si Yolanda Camilon, common-law wife ng isang preso na nasa minimum security, ang humarap sa pagdinig ng senado noong gabi ng Huwebes upang isiwalat ang mga katarantaduhan sa NBP ng mga pinuno nito. Sinabi ni Camilon na nilapitan siya ng isang BuCor offcial at sinabihang makalalaya agad ang kanyang asawa kapag nagbigay siya ng P50,000.
Pinalakol na ni Pres. Rodrigo Roa Duterte si Marine Officer Nicanor Faeldon sa BuCor dahil sinuway nito ang kanyang utos na itigil ang pagpapalaya sa mga bilanggong convicted sa heinous crime, pero nakapagtatakang sinabi niya na buo pa ang tiwala niya rito. Mr. President, kung buo pa ang tiwala mo sa kanya, eh bakit mo siya pinalakol?
Sabi ni PRRD: “Faeldon, tarong na nga tawo (Si Faeldon ay matinong tao). Naniniwala pa rin ako sa kanya.” Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa ground breaking ceremony para sa proyektong pabahay sa mga biktima ng landslide sa Naga City, Cebu.
Saad ng kaibigan kong napaka-sarkastiko: “Kung gayon palang buo pa ang tiwala ng Pangulo kay Faeldon eh bakit niya inalis sa BuCor.? Kung talagang matino ito, eh bakit nasangkot sa GCTA na muntik nang ikalaya ni Mayor Sanchez?” Yan ang hindi ko masasagot kaibigan!
-Bert de Guzman