NANAIG sina WIM Jan Jodilyn Fronda at WIM Marie Antoinette San Diego sa kani-kanilang karibal para maagaw ang liderato matapos ang ika-10 round ng 2019 National Women’s Championship-Grand Finals nitong Lunes sa Philippine Academy for Chess Excellence (PACE) headquarters sa Mindanao Ave., Project 6, Quezon City.

FRONDA: Nagbabanta sa kampeonato.

FRONDA: Nagbabanta sa
kampeonato.

Ginapi ni Fronda ang dating solo leader na si WIM Kylen Joy Mordido sa pahirapang 30 moves ng London System, habang naungusan ni San Diego si May Ann Alcantara matapos ang 71 sulong ng Modern Defense upang pagsaluhan ang pangunguna tangan ang parehong 7 puntos.

Umangat din si WIM Catherine Perena-Secopito nang mangibabaw kontra Samantha Umayan sa 27 moves ng Reti opening sa prestihiyosong kompetisyon na itinataguyod ng National Chess Federation of the Philippines (NCFP) upang mapili ang miyembro ng National Team sa World Chess Olympiad na nakatakda sa Aug. 1-15, 2020 sa Khanty-Mansiysk, Russia.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Kasosyo ni Secopito sa ikatlo hanggang ikaanim na puwesto na may 6.5 puntos sina Mordido, WIM Shania Mae Mendoza at WIM Bernadette Galas.

Naghati sa puntos sina Mendoza at WIM Mikee Chalrne Suede matapos ang 31 moves ng Slav Defense, habang nauwi rin sa tabla ang laro nina Galas at top WGM Janella Mae Frayna sa 43 moves ng Caro Kann.

Ipinahayag ni tournament director GM Jayson Gonzales na ang kampeon sa naturang torneo na sinusuportahan din ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pamumuno ni Chairman William “Butch” Ramirez ay mag-uuwi ng cash prize at tropeo.

Ang beteranong chess arbiter na si Gene Poliarco ang nangangasiwa sa torneo.