NASA 1,060 mandirigma ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang sumailalim sa decommissioning kasama ng nasa 920 armas sa isang seremonya na idinaos sa Old Capitol sa Barangay Timuay, Sultan Kudarat, Maguindanao, nitong Sabado, Setyembre 7, na dinaluhan ni Pangulong Duterte.
Bahagi ng seremonya ang nasa sampung porsiyento ng kabuuang 12,000- na miyembro ng MILF. At ang 920 armas na kanilang isinuko na maliit na parte ng daang libong armas na kanilang hawak sa ilang dekada nang mahabang pakikipaglaban at rebelyon sa Mindanao. Una nang nagkaroon ng inisyal na pagsusuko ng mga armas noong 2015.
Ngunit higit na mahalaga kumpara sa maliit na bilang na sumuko at isinukong mga armas nitong Sabado, ang diwa ng pag-asa na inihahayag nito, ang pag-asa na sa wakas, matatamasa na sa Mindanao ang kapayapaan, partikular sa rehiyon ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM).
Sinabi ni MILF Chairman Ebrahim Murad, na siyang namumuno ngayon sa Bangsamoro Transition Government, na isinisimbolo ng idinaos na seremonya nitong Sabado, na ang kanyang grupo ay “already a partner of the government in the peace and order campaign.” Magsisimula na itong humakbang upang buwagin ang mga pribadong armadong grupo, tulad ng Abu Sayyaf, na matanggal nang nagsasagawa ng operasyon sa Mindanao.
Sa kanyang talumpati nitong Sabado, siniguro ni Pangulong Duterte sa mga dating mandirigma ng MILF na nakahanda ang pamahalaan na sumuporta sa kanila sa pamamagitan ng mga programang pang-ekonomiya upang matulungan ang mga ito na “reintegrate into society and productive civilian lives.”
Tutulong ang programang pang-ekonomiya na ito, ngunit ang ubod ng Bangsamoro program ay sariling pamamahala ng mga Moro. Susubukan ng pamahalaan na hindi makialam hangga’t maaari, ayon sa Pangulo, kasabay ng pagsisiguro sa kanila na nakasalalay sa mga ito kung paano nila gagamitin ang kanilang mga yaman. “[There will be] the least intervention o pang-iistorbo galing sa taas, sa national government,” aniya.
Magpapatuloy ang proseso ng decommissioning sa mga susunod na buwan at taon. Layunin nitong mapasuko ang kabuuang 12,000 miyembro pagsapit ng Abril 2020. Ito ang bahagi ng proseso ng kapayapaan na susundan ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) at ng pamahalaan sa susunod na tatlong taon.
Ang BTA ang mamamahala sa rehiyon, sa pamumuno ni Murad bilang interim chief minister, at ang 80 miyembro ng Transition Commission, na kalahati ay pangangalanan ng MILF habang ang kalahati pa ay mula sa pamahalaan. Sa susunod na tatlong taon, magtatayo ang BTA ng basikong serbisyo ng pamahalaan, kabilang ang administrasyon, imprastraktura, natural na yaman, serbisong panghalalan, at iba pa.
Sa pagtatapos ng interim period, idaraos ang halalan para sa magiging mga opisyal ng rehiyon ng Bangsamoro. Ito ang kukumpleto sa makasaysayang proseso ng pagbabago na nagsimula sa pagpapatibay ng Kongreso ng Bangsamoro Law noong 2018.