KAPWA pabor ang administrasyon at oposisyon na mga mambabatas para sa umento sa sahod sa lahat ng mga kawani ng pamahalaan, pagbabahagi ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite nitong nakaraang Miyerkules. Nagbahagi rin si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ng Centrist Democratic Party nang kanyang pananaw. “I would prefer salary increases for all government workers,” aniya. “But if government does not have enough money, we can start adjusting pay for teachers and nurses.”
Wala duda na nararapat ang dagdag na suweldo para sa lahat ng mga kawani ng pamahalaan. Sa pagsisimula ng kanyang administrasyon noong 2016, agad na isinulong ni Pangulong Duterte ang pagtaas ng sahod ng mga unipormadong kawani ng bansa, ang mga sundalo at pulis. Mabilis na ipinagtibay ng Kongreso ang batas na nag-doble sa suweldo ng nasa 172,000 sundalo at 170,000 pulis ng bansa, na naging epektibo sa pagsisimula ng 2018.
Dapat ding makatanggap ng umento sa sahod ang mga guro ng bansa. Ngunit nasa 600,000 ang kanilang bilang, na ayon sa Department of Budget and Management (DBM) ay hindi madaling hanapin ang P600 bilyon na kakailanganin para sa kanila. Kaya naman lumipas na lamang ang Enero 2019, nang walang nangyari. Ngayon, naghahanda na muli ang Kongreso sa pag-apruba ng panibagong pambansang budget para sa 2020, ngunit ang hakbang na pagtataas ng sahod ng mga guro ay kinakalaban naman ngayon ng isang hakbang para sa dagdag na sahod sa lahat ng mga manggagawa ng pamahalaan, hindi lamang para sa mga guro.
Sa resulta ng Pulse Asia survey na isinagawa mula nitong Hunyo 24 hanggang 30, sinasabing 77 porsiyento ng mga rumesponde ang pabor sa dagdag na sahod para sa lahat ng kawani ng pamahalaan. Ngunit matagal na ring umaasa ang mga guro ng dagdag-sahod mula noong nagsimula pa ang administrasyong Duterte, na tanging naipatupad lamang sa mga unipormadong kawani noong 2018. Pinangako pa ng Pangulo sa mga guro na: “Kayo ang isusunod ko this year.”
Sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 23, muling inihayag ng Pangulo ang kanyang pangakong dagdag na sahod sa mga guro, habang idinagdag pa niya ang para sa mga nurses ng bansa. Suportado ng mga miyembro ng bagong Kamara de Representantes ang umento sa sahod ng lahat ng mga manggagawa ng pamahalaan, ngunit nahaharap sila sa realidad na kulang ang pondo ng gobyerno.
Nagawang makapaglabas ng mga economic planner ng gobyerno ng himala para sa ating mga sundalo at mga pulis noong 2018. Patuloy tayong umaasa na magagawa rin nila ito para sa iba pang mga kawani ng pamahalaan—lalo na para sa mga guro—ngayong taon.