PARA matulungan ang libu-libong magsasaka na labis na naapektuhan ng Rice Tarrification Law (RTL) dahil sa pagbaha ng inangkat na bigas sa ibang bansa, iniutos ni Pres. Rodrigo Roa Duterte sa Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng National Food Authority (NFA) na bilhin ang mga aning palay ng mga magsasaka.

Nagrereklamo ang mga magsasaka sa labis na pagbaba ng presyo ng palay— mula sa P4 hanggang P7 na lang daw bawat kilo. Totoo ba ito Agriculture Sec. William Dar? Kung ito ay totoo, kawawa ang mga magsasaka na itinuturing na “backbone” o gulugod ng bansa. Kung hindi naman totoo, kailangang kumilos ang DA at NFA upang sagipin ang mga sisinghap-sisinghap na magbubukid sa kanilang kabuhayan.

Sa amin sa Bulacan na kung saan ang namayapa kong Tatang ay may naiwang maliiit na bukirin, isinusumbong at inirereklamo sa akin ng mga kamag-anak at kaibigang magsasaka na sobrang apektado ng RTL ang kanilang pagsasaka at kabuhayan. Dati raw ay P17 hanggang P19 bawat kilo ng palay ang bilihan, pero sapul nang ipasa ang RTL, biglang sisid ang halaga nito dahil sa malayang importasyon ng bigas ng kahit sinong importer o kumpanya.

Nagpahayag silang baka balang araw ay bilhin ng mayayamang estate developer ang kanilang bukirin at gawing subdivisions. Dahil sa pagbagsak ng presyo ng palay, maraming magsasaka ang tinatamad na magsaka. Bakit kailangang pahintulutan ng gobyerno ang malayang pag-i-import ng bigas sa ibang bansa gayong patuloy namang umaani ng palay ang ating mga magsasaka?

Sa ngayon, batay sa mga ulat, ang prevailing market price o umiiral na presyo ng palay ay P7 per kilo kaya kung bibili ang NFA nang lampas sa P7 kilo, malulugi raw ang gobyerno. Dahil dito, iniutos ni PRRD sa DA at NFA na i-subsidize ang bahagi ng buying price na P17-P19 per kilo.

Pahayag ni Mano Digong: “Solusyon dito ay bilhin ng Secretary of Agriculture ang lahat ng palay (ng mga magsasaka). Sa demokrasya, ang mga opisyal ng gobyerno ay inihalal ng mga tao kaya tungkulin nila na gumawa ng pinakamabuti para sa kanila. Nakita ninyo ang mga tao na nagwawala, ang iba ay nagugutom dahil walang bigas.” Tumpak ka Mr. President, dapat bilhin ng NFA ang aning palay ng mga magsasaka kahit medyo malulugi ito. Hiling naman ng NFA, bigyan sila ng sapat na pondo ng Duterte administration para bilhin sa tamang presyo ang palay ng mga magsasaka.

oOo

Sinabi ng Malacañang na iimbestigahan din maging ang paglagda ni Sen. Bato dela Rosa sa release papers ng heinous crime convicts na nakalaya noong siya pa ang hepe ng Bureau of Corrections (BuCor). Ayon kay presidential spokesman Salvador Panelo, dapat gumawa ng pagsisiyasat sa gitna ng mga duda na nagkakabayaran ng milyun-milyong piso para pagkalooban ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) ang mga heinous criminals upang maagang makalaya.

Inamin ni Dela Rosa, dating PNP Chief, na lumagda siya sa release orders ng may 120 heinous crime convicts nang siya ang BuCor director general mula noong Abril hanggang Oktubre 2018. Sabi ni Spox Panelo: “Tungkol kay Senator Dela Rosa, kailangan ang imbestigasyon sa ano mang sirkumstansiya kung bakit siya lumagda sa release papers. Ito ay case-to-case basis.”

Sa banner story ng BALITA noong Biyernes, ganito ang nakasulat: “Bato, di lusot sa imbestigasyon.” Sa itaas nito ay ganito ang nakasaad: “GCTA, sisilipin ng Ombudsman.” Idinagdag sa balita na: “Nasa balag ng alanganin ngayon ang dating Bureau of Corrections Chief at ngayon ay Senador na si Ronald dela Rosa kaugnay ng pagpapalaya nito sa mga nahatulang makulong na sangkot sa heinous crime.”

-Bert de Guzman