“SABI niya inilalagay niya ang kanyang kapalaran sa aking mga kamay. Ngayon na ang oras dahil sinuway niya ang aking utos. Mayroon na ngang sunog at sinubok kong magbigay ng extinguisher upang hindi magduda ang taumbayan. Pero, sinikap niyang bigyan ng katwiran ang kanilang computation na maaaring tama.
Pero, kapag ang Pangulo ay nag-isyu ng kautusan, ito ay dapat sundin,” wika ni Pangulong Duterte sa kanyang biglaang press briefing nitong gabi ng Miyerkules. Ganito niya tinanggal sa puwesto si Bureau of Corrections Chief Nicanor Faeldon dahil sa ibinungang galit ng mamamayan laban sa nakatakda nang pagpapalaya kay dating alkalde ng Calauan na si Antonio Sanchez. Inamin ng Pangulo na kaya niya pinigil ang pagpapalaya kay Sanchez ay dahil sa hindi naging katanggap-tanggap ito sa publiko. Pero, kung hindi ipinaalam ng taumbayan ang kanilang damdamin at nanatili silang tahimik kahit laban ito sa kanilang kalooban, nakalaya na si Sanchez. Kasi, “maaaring tama ang computation,” sabi niya. Ang computation na binanggit niya ay ang sinasaad ng Good Conduct Time Allowance Law na pinahihintulutang bawasan ng mga araw o buwan ang sentensiyang itatagal ng preso sa piitan dahil sa naging asal o kilos niya habang siya ay nakakulong.
Ang problema, marami nang napalaya nang kumilos na ang Pangulo. Nakalaya na ang pumatay sa magkapatid na Marijoy at Jacqueline Chiong ng Cebu. Ibinintang ito ng pamilya Choing kay Pangulong Duterte. Pero, ayon sa Pangulo, ang good conduct time allowance ay hindi niya nilikha. Ang batas, aniya, ay nagpatuloy na walang maliwanag na polisiya o direksyon kahit, sa batas mismo, ay walang sinasabi kung sino ang lalagda at magpapalaya sa mga nakalaya na ngayon. Pero, hindi makaiiwas sa pananagutan ang Pangulo kahit hindi niya alam ang mga nangyari at ipinatigil niya ang paglaya ni Sanchez at iba pa. Bagamat napakahirap paniwalaan na ginawa ang gulong ito sa kanyang likuran na parang ito ang nais niyang ipahiwatig. Eh magpapatibay ito ng paniniwala na wala na siyang kontrol sa pagpapatakbo ng gobyerno sanhi ng kanyang karamdaman.
Ang sentro ng kontrobersiya hinggil sa pagpapalaya ng mga bilanggo ay ang inalis niya sa puwesto na si Faeldon. Kung tapat ang Pangulo sa kanyang ipinangakong pagsupil sa korupsyon, wala na sana itong si Faeldon. Tinanggal na ito ng Pangulo sa pagiging pinuno ng Bureau of Customs dahil sa pagkakasangkot niya sa pagpuslit sa pantalan ng 6.4 bilyong halaga ng shabu. Bukod dito, sa imbestigasyon ginawa ng Senate Blue Ribbon Committee, umiral sa ilalim ng kanyang pamumuno ang “Tara system.” Bawat container na lumalabas sa pantalan ay may halagang ibinibigay ang consignee o broker. Sinibak nga siya sa kanyang puwesto sa BoC, inilipat naman siya sa civilian defense unit ng Department of National Defense. Mula rito hinirang na siyang BuCor chief bilang kapalit ni Gen. Ronald dela Rosa nang ito ay tumakbong senador. Kung dahil lang sa masyadong mahal ng Pangulo si Faeldon at ayaw niyang bitawan ito kahit ang rekord nito ay malinaw na salungat sa kanyang anti-corruption campaign, may punto ang pamilya Chiong na may pananagutan ito sa pagpapalaya ng mga pumatay kina Marijoy at Jacqueline Chiong at sa iba pa, lalo na iyong nahatulan sa paggawa ng karumaldumal na krimen.
-Ric Valmonte