GINULAT ng University of Santo Tomas ang defending champion Nazareth School of National University, 25-20, 25-27, 15-25, 25-22, 15-12, sa pagbubukas kahapon ng UAAP Season 82 Boys’ Volleyball tournament sa Paco Arena.
Tabla ang iskor sa 8-all sa decider, umiskor ang Junior Tiger Spikers ng limang sunod na puntos upang umangat sa iskor na 13-8.
Hindi na nakahabol pa ang Bullpups hanggang sa angkinin ng Junior Tiger Spikers ang panalo.
“Morale-boosting talaga itong panalo though syempre may hinahanap pa rin kaming consistency sa mga bata pero given na marami kaming bago, medyo understandable pa (this first game),” ani UST assistant coach John Abella.
Pinangunahan ni Rey De Vega ang panalo sa itinala nitong 29 puntos, mula sa 22 attacks, 3 blocks at 4 na service aces.
Nanguna naman si Michael Buddin sa nabigong NU sa ipinoste nitong 16 puntos.
Sa iba pang mga laro, namayani ang Far Eastern University-Diliman kontra Adamson University, 23-25, 25-15, 25-22, 25-23, habang ginapi University of the East ang Ateneo ,25-22, 25-18, 25-18.
-Marivic Awitan