MAAGANG pamumuno ang pag-aagawan ng University of the Philippines at University of Santo Tomas sa kanilang pagtutuos sa tampok na laro ngayong hapon sa men’s division ng UAAP Season 82 Basketball Tournament sa Araneta Coliseum.
Ganap na 4:00 ng hapon ang tapatan ng mga first day winners Fighting Maroons at Growling Tigers kasunod ng unang salpukan sa pagitan ng Adamson University at ng National University ganap na 2:00 ng hapon.
Tinalo ng UP nitong Miyerkules ang Far Eastern University,61-55 habang nanaig naman ang UST kontra University of the East, 95-82.
Sa unang laro, magkukumahog namang makabawi sa 52-70 na kabiguang kanilang nalasap sa kamay ng defending champion Ateneo ang Adamson sa pagsagupa nito sa ngayon pa lamang sasalang na National University.
Mauuna rito, magsasagupa sa pagpapatuloy ng aksiyon sa women’s division ang Adamson Lady Falcons at defending champion NU Lady Bulldogs at ang UP Lady Maroons at UST Tigresses sa double header na magsisimula ng 8:00 at 10:00 ng umaga ayon sa pagkakasunod.
-Marivic Awitan
Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
8:00 n.u. -- Adamson vs NU (w)
10:00 n.u. -- UP vs UST (w)
2:00 n.h. -- Adamson vs NU (m)
4:00 n.h. -- UP vs UST (m)