MAYROON na tayong bagong kongreso – ang 18th Congress – kung saan naluklok ang lahat ng 304 na miyembro ng Kamara at kalahati ng 24 miyembro ng Senado nitong Mayo 13, 2019. Ngunit marami sa mga kongresista ng 17th Congress ang muling nahalal at nagpatuloy sa kanilang pagsusulong ng kanilang mga adhikaing hindi nila naisakatuparan noong nakaraang Kongreso.
Ilang linggo pa lamang nagbubukas ang 18th Congress noong Hulyo 22, maraming kongresista ang muli nang sumusubok na maipasok ang kanilang mga naunsiyaming proyekto na nagkakahalaga ng P95 bilyon para sa mga pampublikong proyekto sa ilang distrito piniling i-veto ni President Duterte sa 2019 national budget. Ang mga “insertions” na ito ng mga ilang kongresista ay mariing tinututulan ng Senado, na nagdulot ng tatlong buwang pagkaantala ng pag-apruba sa 2019 budget.
Determinadong hindi na maulit pa ang katulad na pagkaantala sa budget para sa 2020, maagang nagpasa ang Malacañang ng panukalang P4.1-trilyong budget ngayong taon. Kaagad itong ipinadala sa House Appropriations Committee. Ngunit nitong Agosto 28, binawi ito sa komite. Ilang kongresista kasi ang nais gumawa ng pagbabago—ang pagdadagdag sa mga pondong tinanggal noong nakaraang taon ng mismong Kamara at kalauna’y na-veto ng Duterte.
Inihayag ni Davao City Rep. Isidro Ungab, chairman of the House Committee on Appropriations, nitong Martes na: “I truly understand their sentiments, because they lost regular projects.” Ngunit dahil hindi maaaring magdagdag o magbawas ang Kamara sa kabuuang P4.1-trilyong budget na ipinasa ng Malacañang, kukuhain ang pondo sa ibang sangay ng gobyerno. “I sympathize with them. I understand what they want, but the amount is too big.”
Karaniwan, maagang nakikipag-ugnayan ang mga kongresista sa sangay ng ehekutibo, lalo na sa Department of Public Works and Highways (DPWH), para sa pagdaragdag ng kanilang mga pet projects sa kanilang mga distrito. Sa paraang ito magiging bahagi sila ng pambansang “Build, Build, Build” infrastructure program ng administrasyon, maliban na lang kung ito ay sobra-sobra o hindi pa naman kailangan kaagad.
Pero ngayon, kailangang dumaan ng Kongreso sa normal na proseso para sa budget consideration at pag-apruba. Iimbitahan nito ang Department of Budget and Management (DBM) at ang DPWH. “We will start from there. Then we look at possible solution,” pahayag ni Congressman Ungab.
Muling ipinasa ang budget bill nang walang ginagawang pagbabago, ngunit nagpahiwatig pa rin ang mga kongresista ng patuloy na pagtutulak sa kanilang mga proyekto. Umaasa tayo na mabubuo ang pagkakasundo na magiging daan upang maaprubahan ang national budget ngayong Disyembre, sa pinakamaaga, at hindi sa Abril tulad nang kinahinatnan ng national budget ngayong taon.