TINAPOS ng Colegio de San Juan de Letran ang kanilang kampanya sa first round ng NCAA Season 95 Men’s Basketball Tournament sa pamamagitan ng pagtatala ng isang malaking tagumpay laban sa College of St. Benilde, 88-64, kahapon sa Cuneta Astrodome.
Mula sa kanilang 12-1 na panimula, hindi bumitaw ang Knights sa kapit nila sa pangingibabaw hanggang matapos ang laban.
Katunayan, lumobo pa hanggang 30-puntos ang kanilang kalamangan sa iskor na 82-52, matapos ang dalawang sunod na 3 points nina Jerrick Balanza at Jeo Ambohot.
Dahil sa panalo, tumabla ang Knights sa kanilang biktima at sa Lyceum sa ikalawang puwesto taglay ang 6-3 marka.
Tumapos si Balanza na may 26 puntos kasunod si Bonbon Batiller na may 10 puntos habang nagdagdag sina Larry Muyang at Ambohot ng tig-7 puntos para sa nasabing panalo ng Knights.
Sa kabilang dako, nanguna naman sa natalong Blazers si Kendrix Beligica na may 12 puntos.
Marivic Awitan