NAGBANTANG idedemanda ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo ng libel at cyberlibel ang Inquirer.net at Rappler dahil sa inilibas nilang artikulo na inendorso o nirekomenda nito sa Board of Pardon and Parole ang pagbibigay ng clemency kay dating Calauan Mayor Antonio Sanchez.
Ayon kay Panelo, ang artikulo ay hindi lang iresponsable kundi malisyoso pa, at ito ay libelous dahil inuugnay siya sa gawain para sirain siya sa publiko at dungisan ang kanyang karangalan. Sa pagdinig kasi na ginanap ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Martes hinggil sa nabigong pagpapalaya sa dating alkalde, inihayag ni Executive Director Reynaldo Bayang ng Board of Pardon and Parole na lumiham sa kanya si Panelo at ipinaabot ang application for clemency ni Sanchez. Ang katwiran ni Panelo ay normal lang sa kanyang tungkulin ang ipasa ang mga reklamo at kahilingang natatanggap ng kanyang opisina sa mga ahensiya o departamento na may kaugnayang sa mga ito. Ganoon naman pala, bakit nagpuputok ang kanyang butse. Ang totoo, siya ang nagbibigay ng malisiya sa ibinalita ng Inquirer.net at Rappler gayong kung ano naman ang talagang pangyayaring umabot sa kanilang kaalaman ay siya nilang inihayag sa kanilang artikulo.
Pitong taon akong naging abogado ng National Press Club sa ilalim ng mga matalino at matapang na pangulo na sina Antonio Nieva, Celo Lagmay, Fred Lobo at Antonio Antonio. Ang proyektong hindi nagbago at patuloy na umiral sa kanilang pamamahala ay ang media seminar sa mga mamamahayag. Miyembro ako ng grupong umikot sa bansa na naglelecture sa kanila. Gamit ang mga naging desisyon ng Korte Suprema, sinabi namin sa kanila kung ano ang naganap na pangyayari na nakita nila ay siyang iulat nila. Huwag silang magbibigay ng sariling opinyon hinggil dito. Kung hindi wasto ang kanilang ulat at nagawa nila ito ayon sa tapat nilang pagkakaintindi ng pangyayari, sakop pa rin ito ng kanilang karapatang mamahayag.
Sa loob ng pitong taon, bukod sa kasama ako ng mga nagtuturo sa mga mamamahayag ng media ethics, libel at iba pa, idinepensa ko ang kalayaan sa pamamahayag at ang mga mamamahayag na sinampahan ng kasong libel. Hindi nanghinawa noon ang NPC na alalayan at proteksyunan sila sa pagganap nila ng kanilang tungkulin sa mamamayan na bigyan ng impormasyong napakahalaga para sa kanilang kaalaman. Base sa aking karanasan sa pagiging abogado ng mga mediamen na inihabla ng libel, ang libel ay ginagamit ng mga tao, lalo na ng mga opisyal ng gobyerno na nasasaktan ng katotohanan laban sa mga mamamahayag. Ang katotohanan ay ang higit na nakakasakit. Halimbawa, nasaktan si Panelo ng ulat ng Iquirer. net at Rappler na “inendorso” at “inerekomenda” niya ang kahilingan ng mga kamag-anak ni Sanchez para clemency nito sa Board of Pardon ang Parole. Ano ang masama rito kung ito ang pagkakaintindi sa kanyang ginawa ng mga nag-ulat nito? Siya ang nagbibigay ng malisiya sa ulat na ito dahil, may ilang taon na ang nakararaan, siya ay tumindig na abogado ni Sanchez nang mahatulan ito ng pitong habang buhay na pagkabilanggo. Sa kanya at sa kanyang lang masama ang dating ng balita sa makakaalam nito. Kung hindi siya naging abogado ni Sanchez, mamasamain niya ba ito kahit totoo?
-Ric Valmonte