ANG matinding problema sa trapiko na nagluklok sa Maynila sa isang kahiya-hiyang pagkilala bilang may pinakamalalang trapik sa buong mundo na tinawag pa ng mga mamamahayag bilang ‘carmageddon.’
Sa pagtataya ng Japan International Cooperation Agency, nasa P3.5 bilyon ang nawawala sa ekonomiya ng bansa araw-araw, dahil sa problemang ito. Pinakamalala, kung ito ay titindi pa, maaari itong umabot sa halos P5.4 bilyon.
Upang matugunan ang matinding problema, iminungkahi ng mga nagpapakilalang eksperto sa Kongreso na pagkalooban ang Pangulo ng emergency power. Gayunman, maraming mga mambabatas ang hindi kumbinsido sa panukala, kung ito ba talaga ang solusyon sa problema ng trapik.
Kataka-taka, sa gitna ng nagbabanggaang ideya para masolusyunan ang trapik sa Metro, isang simpleng solusyon na inihayag ay ang impresibong paglilinis sa Maynila ni Mayor Isko Moreno, na nagbalik sa kalsada para sa publiko.
Sa una nariyan ang mga pagdududa kung uubra ba itong solusyon, ngunit ang aksiyon ng isang lider ng siyudad na gamitin ang kakayahang mayroon siya, kabilang ang kapangyarihan ng kanyang posisyon, ang tila nagpahiya sa mga ‘technocrats’ na ang tanging mungkahi ay mga de kalidad na panukala, na maganda lamang sa papel.
Marahil nagulat sa inisyal na tagumpay ng solusyon ni Isko, binigyan ng direktiba ng Pangulo ang Department of Interior and Local Government na gamitin ang isang mas mahigpit, kung hindi man ginaya, na nasabing polisiya upang mapilitan ang mga pinuno ng mga barangay na sundin ang mandato o mahaharap sa kaso, sakaling sila ay mabigo.
Bukod pa rito, ang isyu ng trapik ay hindi lamang nakatuon sa mga daan, malaking bulto ng mga sasakyan, ilegal na paggamit ng bangketa, pag-okupa sa mga kalsada,at maling regulasyon; may kinalaman din ito sa mga polisiya na taliwas sa gawain ng mga transportasyon.
Katunayan, malaking bahagi ng buhol-buhol na problemang ito na nakaaapekto sa trapik ay dulot ng kabiguan na maipatupad ang hakbang na makaaapekto sa kontrol ng matinding bilang ng mga sasakyan.
Sa maliit na hakbang, maraming malinaw na remedyo ang magbabalik sa EDSA sa normal mula sa buhol-buhol nitong trapik kahit pa limitado lamang ang mga traffic enforcers sa lugar.
Kabilang sa mga solusyong ito ang: pagsibak sa mga lumang sasakyan na nasa edad 15 taon pataas, ipagbawal ang mga motorsiklo sa mga highway tuwing rush hour, mabilis na pagsasabatas ng panukala na nagtatakda ng polisiyang ‘no garage, no car,’ tanggalin ang lahat ng mga bus at mga terminal sa kahabaan ng EDSA 24/7, ipag-utos sa mga may-ari na tanggalin ang kanilang mga sirang sasakyan na nakaparada sa mga lansangan ng metro, at pagbabawal sa mga dispatcher at mga nagtitinda sa mga pangunahing kalsada.
Sa pamamagitan ng paglilinis sa mga kalsada na matagal nang ginawang paradahan, tindahan ng mga makina, car wash, parking lot, at bahagi ng mga kainan, maaaring mabawasan ang matinding trapik na nararanasan. Gayunman, ang pagkamit sa maayos na daloy ng trapiko, ay nangangahulugan ng matapat at mabuting implementasyon ng batas-trapiko.
-Johnny Dayang