PDBF athletes, pinagkaitan ng tulong, nanindigan sa World tilt

MISTULANG busabos. Halos magmalimos. Kumakalam na sikmura.

KUMPIYANSA ang Philippine Dragon Boat Federation (mula sa kaliwa) Daniel Gutierrez, coach Ailene Pastrones, PDBF president Tikboy Factolarin, Atty. JayPee Villanueva at coach Suhod Hakim na muling makababalik sa Philippine Olympic Committee (POC) ang grupo bilang National Sports Association.

KUMPIYANSA ang Philippine Dragon Boat Federation (mula sa kaliwa) Daniel Gutierrez, coach Ailene Pastrones, PDBF president Tikboy Factolarin, Atty. JayPee Villanueva at coach Suhod Hakim na muling makababalik sa Philippine Olympic Committee (POC) ang grupo bilang National Sports Association.

Ngunit, para sa atletang Pinoy na pinagkaitan ng tulong, suporta at pagkalinga, ang lumaban para sa Inang Bayan ay sapat nang dahilan upang magpatuloy sa kanilang misyon – magwagi at mag-uwi ng karangalan para sa sambayanan.

Pambansang Kamao Manny Pacquiao, nag-senti? Ilang netizens, todo-comfort!

Nakalulungkot mang isipin, ito ang naging karanasan ng atletang Pinoy mula sa Philippine Dragon Boat Federation (PDBF) sa kanilang pagsabak sa 14th IDBF World Dragon Boat Racing Championship kamakailan sa Pattaya, Thailand.

Subalit, sa kabila nang mga kakulangan, nagawang magwagi ng PDBF squad ng apat na ginto, dalawang silver at apat na bronze sa pinakamalaking dragonboat competition sa mundo na pinangangasiwaan ng International Dragon Boat Federation.

“Pagdating pa lang namin problema na. Hindi kami pinayagan ng organizers na ma-test yung venue kasi hindi pa namin nababayaran ng buo ang US$11,000 participation/sanctioned fee. So lahat ng atleta namin pati na rin yung mga kaanak namin tinawagan na overseas para makapagdala ng pera sa amin. Luckily, in just five hours nakakolekta kami ng almost P300,000 thousands na ipinambayad namin,” pahayag ni PDBF secretary-general Atty. Jaypee Villanueva, sa pagbisita kahapon sa ‘Usapang Sports’ ng Tabloids Organization in Philippine Sports (TOPS) sa National Press Club sa Intramuros, Manila.

“Ang problema, dahil naubos yung mga pocket money namin, wala nang pambili ng dinner yung delegasyon. Yung breakfast ok lang dahil sinuportahan kami ng Filipino community doon na nag-sponsored,kaya lang sa dinner wala na kaya nagtiis lahat na maghati-hati sa baon na mga de lata,” aniya sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), PAGCOR, Community Basketball Association, NPC at HG Guyabano Tea Lead Drinks.

Iginiit ni coach Sohud Saraman Hakim na hindi ito naging sagabal, bagkus nakadagdag motibasyon sa atletan para magpursige sa laban na nagresulta ng tagumpay sa Para-Dragon event na 200m PD-1 Open small boat, 200m PD-2 Open small boat, 500m PD-1 Open small boat at 500m PD-2 Open small boat.

Nag-ambag ng dalawang silver ang regular athletes sa 200m Senior A Open (small boats) at 200m Senior A Mixed divisions. Nakadale naman ng bronze medal sa 500m Senior Mixed, 2,000m Senior A Mixed, 2,000m , Senior A Open at 500m Senior A Open (small boats) sa torneo na nilahukan ng mahigit 100 koponan mula sa 30 bansa.

“Ang aming mga sagwan ang nagsalita. Umaasa po kami na mapakikingan ang panawagan sa mga kinauukulan. Laban po ito ng pagkakaisa, at determinasyon ng atletang Pilipino,” madamdaming pahayag nang halos mapaluhang si Nyllressan ‘Tikboy’ Factolarin, pangulo ng PDBF.

“Tanggap po namin na hindi kami ang National Sports sa kasalukuyan, ngunit mga atleta po kami na nagnanais lamang na maipakita ang galing sa mundo. Kami ay naging biktima ng pulitika, ngunit sa pagbabago ng liderato sa Philippine Olympic Committee (POC) sa pamumuno ni Rep. Bambol Tolentino ay umaasang mapakingan ang aming hinaing,” aniya.

Ang PDBF ang kinikilalang national sports association sa dragon boat, ngunit, isinama ito ng noo’y POC president Jose Cojuangco sa Canoe- Kayak Association kahit walang rekomendasyon o desisyon ang POC General Assembly.

-Edwin Rollon