INANUNSIYO ni Indonesia President Joko Widodo, ang desisyon na ilipat ang kabisera ng bansa mula Jakarta patungo sa bago nitong lugar sa probinsiya ng East Kalimantan sa isla ng Borneo. Ang Jakarta, aniya, ay maraming problema, kabilang ang matinding trapik, ngunit pinakamabigat nitong suliranin ang unti-unting paglubog ng siyudad.
Nasa populasyon ng siyudad na umaabot sa 10 milyon, nakasipsip na ito ng matinding tubig mula sa ilalim ng lupa, na nagdudulot sa siyudad upang bumaba ng halos 6.7 pulgada kada taon. Kasabay nito ang pagtaas naman ng lebel ng dagat sa pagkatunaw ng malalaking tipak ng yelo mula sa polar region. Sa nakalipas na 30 taon, lumubog ang Jakarta ng halos sampung talampakan mula sa kombinasyon ng pagbaba ng lupa at pagtaas naman ng lebel ng karagatan dulot ng climate change.
Sinabi ni President Widodo, na bubuo ang Indonesia ng bagong kabisera sa Borneo, daang libong milya ang layo sa hilagang silangan ng Jakarta. Kilala ang Kalimantan para sa maganda nitong dalampasigan at mayamang kagubatan. Sinasabing ligtas ito mula sa mga paglindol o sa banta ng pagputok ng bulkan. Inaasahang gugugol ang pagtatayo ng bagong kabisera ng $33 bilyon at aabutin ng 10 taon, ngunit maaari nang makapagsimula ang pamahalaan na maglipat mula 2024.
Nangunguna ang Jakarta sa sampung pangunahing siyudad sa mundo na unti-unting lumulubog. Kasunod ang Maynila, ng Pilipinas, ikatlo ang Ho Chi Minh City (Saigon) sa Vietnam; New Orleans sa Louisiana, United States; Bangkok, Thailand; Osaka, Japan; Dhaka, Bangladesh; Shanghai, China; Venice, Italy; at Alexandria, Egypt. Ito ay sampung nangungunang bansa pa lamang na nahaharap sa matinding banta ng pagtaas ng tubig sa karagata. Sa daigdig, sinasabing may nasa 4,000 malalaking baybaying syudad ang apektado ng tumataas na tubig ng karagatan.
Una nang nabanggit ang problema ng Maynila noong 1960 nang humantong ang industriyalisasyon sa pagtatayo ng napakaraming imprastrakturang proyekto sa maraming mabilis na umuunlad na syudad sa bansa. Sa kasalukuyan, kalimitang matapos ng matinding pag-ulan, maraming lugar sa Metro Manila ang binabaha, bagamat bumabalik din ito sa normal makalipas ang isang araw, dahil sa mga flood control projects.
Ilang dekada na ang nakararaan nang itigil ng pamahalaan ang malawakang pagkuha ng tubig sa ilalim ng lupa, ngunit sa resulta ng isang pag-aaral kamakailan ng World Bank sinasabing patuloy pa rin sa paglubog ang Metro Manila. Ang mas malaking banta ngayon ay ang pagtaas ng lebel ng dagat dulot ng climate change na tumutunaw ng mga malalaking tipak ng yelo sa polar region.
Ang problema ng Maynila ay hindi kasing lala ng Jakarta. Wala tayong inaasahan na plano upang ilipat ang kabisera ng bansa sa ibang lugar. Ngunit dahil sa iba pa nating mas matitinding problema tulad ng trapik, ilang ahensiya ng pamahalaan ang nagdesisyon nang ilipat ang kanilang mga opisina sa labas ng Metro Manila, ang Department of Transportation ay nasa Clark City na sa Pampanga.
Samantala, patuloy tayong naghahanap ng solusyon sa mga problema na nagpapahirap sa buhay at pagtatrabaho sa Metro Manila. Umaasa tayong masosolusyunan na ito kasabay ng dalanginnna hindi lumubog ang Maynila na tulad ng dinaranas ng Jakarta, upang mapanatili natin an gating makasaysayang kabisera.