NASIKWAT ni Merwin Tan ang dalawang titulo sa METBA-Davao Kadayawan Bowling Open Championships kamakailan sa SM Lanang sa Davao City.

Nadomina ng 20-anyos na si Tan, nasa pangangalawa ni world champion Biboy Rivera, ang Open Masters at Youth Masters title sa torneo na nilahukang ng pinakamahuhusay na bowlers sa bansa.

Naungusan niya sina Man Man Nierra ng ACBI-Prima, 216-160, sa step-ladder showdown para sa Open Masters title. Nausad si Tan sa step-ladder match tangan ang kabuuang 1621 pinfalls.

Sinundan niya ito ng panalo sa Youth Masters matapos umiskor ng 203 puntos laban kay Norel Nuevo (197).

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“It was a blessing and I feel accomplished. I will train hard for the upcoming tournaments. Thank you Lord, also to PBF, PSC, POC, Team Prima, at coaches for the support and guidance,” pahayag ni Tan, bronze medal winner sa U-22 event ng 5th Fukuoka Summer Cup bowling tourney nitong Hulyo.

Kumpiyansa ang PH junior bowler na mapanatili ang tikas sa lane sa pagsabak sa 30th Southeast Asian Games sa November 30 hanggang December 11 sa Mandaluyong City.

Produktibo ang kampanya ni Tan ngayong taon matapos magwagi sa 51st Singapore International Open nitong Hunyo at 20th Asian Youth Tenpin Bowling Championship sa Malaysia nitong Mayo. Nagwagi rin sya sa men’s open masters sa Philippine International Open sa Mandaluyong City.