ANG pagsirit ng presyo ng bigas noong nakaraang taon ay napigilan ng pagpapatupad ng Rice Tariffication Law na nagpapahintulot sa malayang importasyon ng murang bigas mula Vietnam at Thailand, ngunit kapalit naman nito ang pagkalugi ng mga Pilipinong magsasaka, na ibinebenta ang kanilang ani sa mas mataas na presyo.
Nitong nakaraang buwan, isiniwalat ng National Food Authority (NFA) sa isang pagdinig sa Senado, na umangkat ang pamahalaan ng nasa 1.2 metrikong tonelada ng bigas ngayong taon, kung saan nasa 290,000 metriko tonelada—o nasa apat na milyong sako—iniimbak sa mga warehouse. Ito ang nagtulak kay Sen. Francis Pangilinan na hikayatin ang mga lokal na pamahalaan at ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na bilhin ang mga nakaimbak na bigas at ipamahagi ito sa mahihirap na pamilya.
“Our rice farmers are suffering due to low prices of their harvest and consumers are suffering due to high prices of their food. Unloading the current NFA stocks will allow the government to replenish our buffer stocks with fresh stocks from farmers.”aniya. “Our government should be in emergency mode.”
Ang kasalukuyang sitwasyon ng presyo ng bigas ay maaaring hindi kasing tindi nang nangyari noong nakaraang taon, ngunit ang panawagan ni Senator Pangilinan sa NFA na simulang dagdagan ang kanilang mga imbak na bigas sa pamamagitan ng pagbili sa ani ng mga magsasaka, ay isang mainam na suhestiyon.
Ngayong linggo, inihayag ng bagong Secretary of Agriculture, William Dar na nakikipagpulong na siya sa iba’t ibang opisyal hinggil sa plano na bilhin ng pamahalaan ang ani ng mga magsasakang Pilipino. Pagbabahagi ng opisyal, nakiusap na siya sa mga gobernador ng ilang probinsiya na itinuturing na ‘top rice producing’– ang Isabela, Nueva Ecija, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Pangasinan, at La Union – na gamitin ang parte ng kanilang pondo para sa Internal Revenue Allotment (IRA) upang bilhin ang ani ng mga magsasaka.
Nabanggit din ng DSWD, aniya, na maaaring palitan ng ahensiya ang bahagi ng buwanang pinansiyal na ayuda para sa mga pamilyang bahagi ng Pantawid program, ng bigas mula sa NFA. Ang mga kooperatiba naman , aniya, ay maaaring umutang sa Land Bank upang pinansiyal na matulungan ang kanilang mga miyembrong magsasaka sa operasyon. Ayon sa Kalihim, dapat na magsimula ngayong buwan na ito ang programa lalo’t magsisimula na ang pag-aani ng palay tuwing Setyembre taun-taon.
Malaking tulong ang naibibigay ng pamahalaan sa industriya ng bigas sa Pilipinas, sa mga siyentista nitong patuloy sa paglikha o pagbuo ng mga magagandang klase (high-yielding) at iwas-peste na uri ng palay, libreng irigasyon para sa maraming lugar, at tulong sa pagsasaka mula sa ibang mga mangagawa. Mayroon ding hakbang para sa mas magandang mekanisasyon sa pagsasaka.
Tuon ngayon ni Secretary Dar ang paghahanap ng pondo, sa kanyang mungkahi sa mga gobernador ng mga probinsiyang naglalabas ng bigas, na gamitin ang parte ng kanilang IRA upang bumili ng ani mula sa kanilang sariling mga magsasaka, sa pahayag ng DSWD na pagpapalit ng kanilang cash aid sa pagrarasyon ng bigas, at sa mga kooperatiba ng mga magsasaka upang makautang sa Land Bank na makatutulong sa kanilang mga miyembro.
Ikinalulugod nating marinig ang lahat ng mga pagsisikap na ito na makatutulong sa ating mga magsasaka, sa hangaring isang araw magiging ‘self-sufficient ‘ ang bansa sa pangunahing pagkain ng mga Pilipino.